PHILRACOM SPRINT RACE SA OKT. 17

MAGKAKAALAMAN kung sino ang pinakamatutulin sa largahan sa pagtatagisan ng bilis ng limang pambato sa 2021 PHILRACOM “Sprint Race” sa Linggo, Oktubre 17,  sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

May distansiyang 1,000 meter race, nominado pa lang sina Runway, Smokin Saturday, Asiong, Son Also Rises at Weather Lang subalit may nakatoka na sa kanilang hinete kaya naman hinihintay na lamang ang bolahan sa karerahan para malaman ang kanilang numero at puwesto sa aparato.

Matunog ang Smokin Saturday na nakapagkampeon na sa mga nakalipas na stake races.

Nagwagi ang Smokin Saturday sa 2019 PHILRACOM Grand Sprint Championship na ginanap sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas. Tinalo niya rito ang Son Also Rises na inaasahang babawi sa meta. Ngunit ngayon pa lang, ang Runway ang patok sa bayang karerista na magbibigay ng magandang laban sa Smokin Saturday sa karera na suportado ng Philippine Racing Commission, sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.

May garantisadong P1.5-M ang programa na magtatampok sa mga premyadong jockey na sina  Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardees Jonathan Hernandez at Patty Dilema para sa Smokin Saturday at Runway, ayon sa pagkakasunod.

Susungkitin ng mananalong kabayo ang P900,000, ibubulsa ng second placer ang P337,500, habang P187,000 at P75,000 ang maiuuwi ng third at fourth placers, ayon sa pagkakasunod, at P75,000 naman ang para sa breeder ng winning horse. EDWIN ROLLON

6 thoughts on “PHILRACOM SPRINT RACE SA OKT. 17”

Comments are closed.