PATI ang Southeast Asian Games ay mukhang pinag-iinteresan pa ng ilang mga politiko ang P6 bilyong pondong nakalaan dito, kaya mukhang napilitan na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ideklarang tanging ang pamahalaan lamang ang maaaring magpatakbo ng nasabing prestihiyosong international sporting event.
Idineklara na ng pangulo na hindi niya awtorisado ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Foundation na patakbuhin ang 30th Southeast Asian Games (SEA Games).
Sa isang interview sa kanya noong Huwebes, sinabi ni Duterte na hindi niya pinapayagan ang PHISGOC na kunin mula sa Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) ang pag-host ng biennial regional multi-sport event. Hinihingi niya ang government accountability pagdating sa mga ganitong klaseng proyekto, aniya.
“I have to be responsible for this. Give (the SEA Games) to government,” ang naging tugon ni Duterte nang tanungin siya tungkol sa kung ano mangyayari sa agawan sa pag-host ng SEA Games.
“Government is the most interested in winning the medals. That PHISGOC Foundation only muddles up the issue. So many fingers are dipping into the hosting. It should only be government. I want just one, just the government,” pagbibigay-diin ng Presidente.
Ang SEA Games ay nakatakdang isagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa – kabilang ang New Clark City kung saan gagawin ang athletics at swimming events – mula November 30 hanggang December 10 ng kasalukuyang taon.
Matapos ang kaguluhan sa Marawi at pagtiyak ng gobyerno sa pagsasaayos ng lugar ilang taon na ang nakalilipas, pinayagan ng SEA Games Federation ang Filipinas na mag-host ng SEA Games sa pamamagitan ni POC President Jose “Peping” Cojuangco na siyang nagtalaga sa noo’y Department of Foreign Affairs (DFA) secretary at kasalukuyang Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cay-etano bilang pinuno ng PHISGOC.
Sa orihinal na PHISGOC, si Cayetano ang tumayong chairman habang co-chairmen niya sina PSC Chief William “Butch” Ramirez at Cojuangco.
Nang matanggal si Cojuangco bilang POC president, hinirang na bagong pinuno si Ricky Vargas na nakipag-partner kay Cayetano. Binuo nina Vargas at Cayetano at ipinasok sa Securities and Exchange Commission ang bagong PHISGOC kung saan wala nang representasyon ang gobyerno at naalis din si Ramirez subalit isinama ng dalawa ang mga sarili nilang tao sa komposisyon ng foundation. Anila, trabaho ng PHISGOC ang mangalap ng pondo mula sa pribadong sektor.
Kahit wala sa kanyang mandato bilang kalihim ng DFA, humingi si Cayetano sa gobyerno ng P7.5 bilyong pampondo sa SEA Games. Sa aprubadong 2019 national budget, P5 bilyon lang ang inilaan para sa SEA Games at tamang napunta ito sa PSC.
Kahit karapatan ng PSC na gastusin ang halaga para sa sports, mariin itong kinuwestiyon ni Cayetano. Sa kabila nito, muli siyang nanghingi ng P1 bilyon mula kay Duterte at kahit pinagbigyan siya ng Presidente, sa PSC pa rin inilagak ang pera.
Kinukuwestiyon ng executive board ng POC ang bagong buong pribadong PHISGOC ni Cayetano at sinasabi nila, hindi raw nila kailan man kikilalanin ito.
Comments are closed.