(Phivolcs nakabantay) TAAL VOLCANO MULING BUMUGA

BATANGAS-PATULOY na minomonitor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang aktibidad ng Taal Volcano kasunod ng mahihinang phreatomagmatic burst nitong Sabado ng hapon hanggang Linggo.

Agad naman pinayapa ng PHILVOCS ang publiko dahil wala naman umanong inaasahang malaking pagsabog sa Bulkang Taal sa kabila ng mga aktibidad nitong weekened.

Sa report ng Office of Civil Defense-Calabarzon, wala namang untoward na effect ang mga aktibidad ng bulkan sa mga residente partikular sa mga bayan ng Agoncillo, Laurel at Talisay.

Wala rin naman umanong inaasahang malaking pagsabog kaya hindi pa kinakailangan na maglikas ng mga residenteng malapit sa bulking Taal.

“So far, wala naman tayong nai-record pa na evacuee at ‘yong view nila doon sa mga isla na malapit, may mga steaming pero wala naman untoward na effect mismo directly doon sa kanilang pamumuhay doon,” ayon kay Kelvin John Reyes, public information office ng OCD-Calabarzon.

Samantala inihayag naman ni Paolo Reniva, resident volcanologist ng Taal Volcano Observatory, naitala nitong Sabado hanggang Linggo ang mahihinang phreatomagmatic burst sa main crater na nangyayari tuwing nagkakaroon ng contact ang tubig sa mainit na parte ng bulkan.

Ang mga ito ay maiikli lamang at tumagal ng 10 segundo hanggang 2 minuto, at lumikha ng plume na tumaas ng 400 hanggang 900 metro.

Sinuportahan ni Reniva ang naging pahayag ng local OCD office na walang inaasahang malaking epekto sa mga residente malapit sa Taal Volcano ang mga aktibidad nito.

Kaya hindi pa inirerekomenda ang paglikas, pero pinaalalahanan ang mga mangingisda na huwag manatili nang matagal malapit sa Taal Volcano Island.

“Ang effect naman niyan, confined lang doon sa main crater. So, ang ano diyan is ‘yung recommendation nga is walang dapat manatili nang matagal o permanente sa volcano island,” ani Reniva.

Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Agoncillo, Batangas ang kahandaan sakaling irekomenda ng Phivolcs ang paglikas dahil sa mga aktibidad ng Bulkang Taal.

Nabatid na nakapagtala ng 8 mahinang phreatomagmatic bursts sa main crater bandang alas-3:50 ng hapon hanggang alas-9:57 ng gabi nitong Sabado.

Napag alaman pa na may ilang residente ang boluntaryong lumikas at nanuluyan muna sa mga kaanak sa ibang barangay na malayo sa bulkan bunsod ng nasabing aktibidad.

Una ng inabisuhan ng PHILVOCS ang mga tao na mag ready sakaling kailanganin lumikas ay mabilis silang maaalis sa lugar . VERLIN RUIZ