PHL SALI SA UKRAINE PEACE SUMMIT

MAGING ang Pilipinas ay naghahangad ng katahimikan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Kaya naman nagpadala ng kinatawan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa Ukraine Peace Summit.

Kabilang ang Pilipinas sa 90 na bansa na lumahok sa nasabing pulong sa Buergenstock, Switzerland.

Nagsama-sama ang mga lider ng ibat ibang bansa upang magkaroon ng consensus hinggil sa peace proposal ng Ukraine.

Si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. ang kumatawan kay Pangulong Ferdinand Marcos sa isinagawang peace summit.

Nakatuon ang usapin ng peace summit sa isyu hinggil sa giyera maging sa pagkain at nuclear security.

Humirit naman ang Turkey at Saudi Arabia na magsagawa pa ng isang pulong dahil ang makabuluhang pag-unlad ay nangangailangan ng pakikilahok ng Russia.

Para kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy naging matagumpay ang peace summit dahil sa mga dumalong world leaders na maituturing na isang kasaysayan.

Hindi rin nakadalo sa peace summit si US President Joe Biden subalit kaniyang ipinadala si US Vice President Kamala Harris.