NAGLUNSAD ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng mga special stamp para sa pagdaraos ng ika-30 Southeast Asian Games (SEA Games) sa bansa.
Ito’y bilang pagbibigay-pugay sa mga atletang Pinoy at pag-alaala sa pagsisilbing host ng Filipinas sa naturang pinakaaabangang aktibidad.
Ayon sa PHLPost, simula ngayong Lunes, Disyembre 2, magiging available na para sa publiko, kabilang na sa mga kolektor, ang mga naturang special stamp, souvenir sheets at official first day covers para sa SEA Games.
Tampok sa special stamps ang makukulay na items at SEA Games motto ngayong taon na “We Win as One” at apat na design ng sports discipline kabilang na ang weightlifting, badminton, cycling at billiards. Murang-mura lamang mabibili ang mga special stamps sa halagang P12.00 bawat isa.
Sa special limited edition naman ng souvenir sheet of stamps, makikita ang iba’t ibang imahe ng sports events, isang basketball player na nagpapakita ng popularidad ng naturang laro sa Filipinas at ang makulay na mga kamay na magkahawak na nangangahulugan ng pagkakaisa para sa SEA Games. Ang naturang special souvenir sheet ay mabibili sa presyong P67.00 lamang kada piraso.
Sinabi ng PHLPost na ang kanilang in-house graphic artist na si Rodine Teodoro ang nag-disenyo ng mga naturang SEA Games Stamps.
Bukod sa Post Shop sa Manila Central Post Office, maaari ring mabili ang mga naturang special stamps sa Manila Central Post Office, sa lahat ng Mega Manila Post Offices, at iba pang postal areas sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ang 30th SEA Games ay pormal nang binuksan sa bansa nitong Sabado, Nobyembre 30 at magtatapos sa Disyembre 11. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.