Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Rain or Shine vs Columbian
7 p.m. – Magnolia vs Phoenix
PUNTIRYA ng Phoenix ang ika-8 panalo at patatagin ang kapit sa liderato sa pakikipagtipan sa Magnolia, habang sisikapin ng Rain or Shine na makabawi sa pagkatalo sa Talk ‘N Text kontra Columbian sa PBA Philippine Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Haharapin ng Fuel Masters ang Hotshots sa alas-7 ng gabi matapos ang salpukan sa pagitan ng Elasto Painters at ng Dyip sa alas-4:30 ng hapon.
Target ng CJ Perez-led Columbian ang ika-4 na panalo sa siyam na laro matapos talunin ang pinapaborang Meralco sa kanilang huling laro.
Inaasahang mapapalaban nang husto ang Phoenix dahil determinado ang reigning Governor’s Cup champion Magnolia na maitala ang ikalawang panalo at lumakas ang kampanya para sa susunod na round.
Ayaw ni Magnolia coach Chito Victolero na malagay sa balag ng alanganin ang kanilang quarterfinals campaign kaya gagawin nila ang lahat para malusutan ang nangungunang Phoenix.
Kung nag-iingat si Victolero ay ganoon din si Phoenix coach Louie Alas na nais mapahigpit ang hawak sa pangunguna.
“Magnolia is hell bent to win by all means. We have to be prepared against them to win and avoid defeat. I reminded my players to be extra cautious and stay focused throughout to win and stay on top and fortify our campaign in the quarterfinals,” sabi ni coach Alas.
Masasabing patas ang laban ng Phoenix at Magnolia.
Sasandal si Alas sa kanyang top gunners na sina Matthew Wright, Calvin Abueva, Alex Mallari, Jayson Perkins at LA Revilla at babantayan nina Justine Chua, Dave Marcelo at Doughlas Kramer ang shaded lane para hindi maka-penetrate ang mga bata ni Victolero, sa pangunguna nina Paul Lee, Mark Andy Barroca, Justine Melton, Jio Jalalon, Ian Sangalang at Rome de la Rosa.
Sa kabila na natalo sa kanilang huling laro sa TNT, pinapaboran pa rin ang Rain or Shine dahil malakas at hitik sa talento ang koponan kumpara sa Columbian na apat na players lamang ang consistent, sa katauhan nina Perez, Jeremey King, JP Calvo at Filipino-American Rashawn McCarthy. CLYDE MARIANO
Comments are closed.