PHOENIX MULA SA ABO

TAAL VOLCANO

MAY LINYA sa tula ni William Blake na mahirap malimutan: “Some are born of sweet delight, some are born to endless night.” Malalim ang kahulugan at mahirap ­unawain, ngunit sa pagdaan ng panahon, maiintindihan din. May mga tao raw na ipinanganak na suwerte at may mga ipinanganak namang malas. May kinalaman ito sa pagiging mahirap o mayaman ng isang tao, o kung paano mo pagagaanin ang buhay kung napakabigat na nito. Pero sabi nga sa Biblia, “Come to me all of you who are tired of having heavy load and I will give you rest.”  Dahil natural na relihiyoso ang mga Batangueño, Diyos ang takbuhan nila kahit pa sa gitna ng kalamidad.

Totoong may mga taong ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig tulad ni Kris Aquino, ngunit may mga tao rin kahit ipinanganak na mahirap ay nagsumikap upang marating ang tagumpay tulad naman ni Isko Moreno. Mayroon ding parang sadyang ipinanganak na malas. Ipinanganak na mahirap, nagsumikap, ngunit tuwing malapit na sa dapat akyatin, la­ging nahuhulog. Tulad ng nangyari sa mga bakwit ng Taal Volcano eruption. Karamihan sa kanila ay nagsumikap na iangat ang mga sarili at pamilya, kung saan ang iba ay nag-abroad pa para makaangat, ngunit sa loob lamang ng isang araw ay nawalang parang bula ang lahat ng kanilang mga pinaghirapan sa napakatagal na taon.

Gayunman, ang mga Batangueño ay hindi marunong sumuko. Katatapos pa lamang ng trahedya at kasalukuyang nasa evacuation centers, ay nag-iisip na sila ng paraan upang makabangon. Hindi kayang durugin ng lahar ang kanilang katatagan. Mula sa kamalasang dala ng sumabog na bulkan – ang lahar na nagwasak sa kanilang kinabukasan – babangon sila at gagawa ng bagong kapalaran. Sabi nga sa pelikula, “The return of the phoenix.” Matapos malugmok at literal na masunog (magma ng bulkan), mula sa alabok ay muli itong babangon na mas matatag at mas malakas. That reminds me, ganyan ang laging sinasabi ng nanay at tatay ko noong nabubuhay pa. Kahit ano pa ang nangyari sa buhay mo, basta buhay ka, kaya mong isalba ang bukas. Lahat daw ng pagsubok ay nakakapagpatibay at nakakapagpatatag sa isang tao. Sabi nila, “kung hindi mo makita ang araw sa likod ng makapal na ulap, ikaw ang maging liwanag sa madilim na lansangan upang hindi kayo maligaw.” Sa ganyang pa­raan, naging masaya ka na, nakapagpasaya ka pa ng iba.

Kesehodang bumalik ang mga Batangueño sa pagtitinda ng kumot at kulambo, mangatok sa bahay-bahay hindi upang manlimos kundi para magbenta — gagawin nila ‘yan para makaba­ngon. Ala ey, Batangan ata are, ey kakasa ka ga? Me dala akong vente nueve, hehe! Wag hihiret! Ka­ming mga Batangueño, kahit harhar na ang tuhor, kayor pa rin ng kayor para sa pamilya. Kahit magdirdir ng asin, ey ‘di susuko. Mawala na ang yaman, ‘wag lamang ang yabang!

Nagsisimula na ang tulungan ng mga Batangueño para sa pagbangon. Pinaplano nila kung paano gagawing bricks at hollow blocks ang lahar. Mula sa abong gumiba sa kanilang bahay, muli silang magtatayo ng tahanan, na ang gagamitin at ang mismong abong sumira rito. Mas matibay, mas maganda at mas kumportable. Ang mga tubuhan at palayang tinabunan ng lahar, hahakutin ang abo at mu­ling tataniman. Ang mga isdang nalason ng sulfur, gagawing pataba sa lupa, at sa loob lamang ng lima o anim na buwan ay muli silang mananagana kahit walang tulong ng pamahalaan, ayon sa kanilang feasibility study. Ngayon natin mapapatunayan kung hanggang saan ang yabang ng mga Batangueño. Kilala silang belyaka (masayahin) kahit pa sa gitna ng sakuna, kaya nga ang naging paboritong sayaw rito noong panahon ni Datu Kumintang ay ang subli. Yabang o pride, na maihahalintulad sa pride ng mga Hapones. Hindi umaasa sa iba, bukas ang kaisipan sa pagtutulu­ngan, at matatag sa gitna ng kalamidad.

Hindi nagpapabaya ang gobyerno sa kanilang kalagayan. Abala ang mga mambabatas tulad nina Rep. Vilma Santos-Recto at Eileen Ermita-Buhain sa pagtulong, gayundin si Gov. Mandanas maging ang presidente at ilang senador.

Malaking bagay sa mga nasalanta ng Taal Volcano eruption ang suporta ng pamahalaan, kahit pa nga ang mga Batangueño verdadero (authentic Batangueño) na hindi naghihintay na dumating muna ang tulong bago kumilos. Ka­ramihan sa kanila, isang araw matapos makalipat sa evacuation centers ng Nasugbu, Batangas ay nagtungo sa beach bitbit ang mga nakuhang relief goods upang mag-picnic. Ituturing daw nilang binigyan sila ng break ng Taal Volcano para makapag-family bonding ng matagal-tagal, na ang pinaka-hotel ay ang evacuation centers. Sa gabi, masayang nagpa-party ang mga evacuees bago matulog sa malamig na semento na ang latag lamang ay manipis na banig at kumot. Ang unan nila ay ang mga nakuhang damit, na ginagawa rin nilang sa­pin sa tulugan ng mga bata upang hindi magkasakit.

Sa ngayon, kailangan nila ng tulong ngunit hindi ng awa. Kaya nila ang kanilang mga sarili, bigyan lamang sila ng panahon at pagkakataon. Gagawin nila ang lahat upang hindi maging kawawa ang kalagayan ng kanilang pamilya. Ang evacuation centers? Pansamantala lamang iyan.

Bawat miyembro ng pamilya ng mga Batangueño verdadero — matanda, bata, may ngipin o wala ay kikilos upang iangat ang kanilang mga sarili. Kahit pa ang PWDs, gagawa ng paraan upang makatulong. O, kayo, kaya n’yo ba ‘yan? NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.