INIUTOS ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na pag-aralan ng National Telecommunications Commission (NTC) kung maaaring mapanatili ng mga subscriber ang kani-kanilang mobile phone numbers kung tapos na ang lock-in period o gusto ng subscribers na magpalit ng service provider.
Inatasan na ng DICT ang NTC na gumawa ng hakbang para mapanatili ng mga subscriber ang kanilang sariling mobile phone numbers kapag natapos na ang kontrata nila sa isang telephone company o telco.
Layunin din umano nito na matanggal na ang “locked-in” period practice na ginagawa ng iba’t ibang telecommunication companies sa kanilang mga subscriber na bumibili sa kanila ng celluar phone o ‘yung SIM only plan.
Ayon kay DICT Acting Secretary Eliseo Rio Jr., pabor ito sa mga milyong subscriber ng mga telco dahil mabibigyang laya ang subscribers sa paggamit ng kanilang device at pagpili ng network provider na kanilang nanaisin.
Ayon pa sa opisyal, bahagi ito ng pro-consumer measures ng pamahalaan.
Bukod dito ay hiniling din ni Rio sa mga mambabatas na magpasa ng batas na kahalintulad ng kahilingan nila sa NTC.
Sa inilabas na memorandum order ng DICT, pinabubuo nito ng alituntunin ang NTC para makapagpatupad ng mandatory unlocking sa mobile devices kapag natapos na ang lock-in period na itinatakda ng mga telco.
Paliwanag ng nasabing tanggapan na oras na matapos na itinakda ng telco na kadalasan ay dalawang taon at wala na itong bayarin ay dapat ay maari na silang mag-demand ng pag-unlock sa telecommunication firms kung saan nila binili o nakuha ang kanilang gadgets.
Sa kasalukuyan, kahit natapos na ang lock-in period, at tapos nang bayaran ang isang device, nananatili itong nakalock sa network provider kung saan binili ng subscriber ang kaniyang mobile phone o tablet. VERLIN RUIZ
Comments are closed.