LAKING pagkadismaya ng isang Photographer Manila City Hall Public Information’s Office o PIO makaraan siyang madukutan habang ginagampanan ang tungkulin at nakibahagi sa prusisyon ng Black Nazarene kahapon, Enero 9.
Nakilala ang biktima na si K R De Asis na isa sa official photographer ng Manila PIO ng Manila City Hall, kung saan nawala ang kanyang Samsung Galaxy S23 Ultra na smartphone na nagkakahalaga ng P90,000.
Ayon kay De Asis, abala siya sa pagkuha ng larawan malapit sa Andas ng Itim na Nazareno nang mapansin niyang nakabukas na ang zipper ng kanyang belt bag na nakasabit sa kanyang dibdib.
“Ingat po tayo sa mga gamit natin ang dami pong nagkalat na magnanakaw”, babala pa ni De Asis sa media viber message.
Sa kabila nang mahigpit na seguridad sa paligid ng Quiapo, hindi pa rin natitinag ang mga mapagsamantalang mga kawatan na nagpapanggap na mga deboto upang makapambiktima ng mga sumasama sa Traslacion. PAUL ROLDAN