HABANG papalapit ang Kapaskuhan nagpapatuloy ang programa ng Department of Trade and Industry para sa mas abot-kayang presyo ng bigas na ngayon ay dumarami na ang mabibilhan sa halagang Php38.00 kada kilo.
Ayon sa DTI, nadagdagan pa ang supermarket na nagbebenta ng murang well-milled rice nang pumasok na rin sa eksena ang Puregold nang magsimula na silang magbenta ng Php 38 per kilo ng bigas sa kanilang 80 branches.
Nabatid na nagsimula nang magbenta ng mga murang commercial rice at maging asukal ang mga supermarket alinsunod sa “Presyong Risonable Dapat Program” ng DTI.
Target ng nasabing programa na hindi kailangang lalagpas sa P38 ang presyo ng kilo ng commercial rice at P50 ang presyo ng kilo ng asukal.
Kabilang sa programa ng DTI ang 88 branches ng Robinsons Supermarket, Puregold, Gaisano, SM Supermarket, at iba pang mga supermarket na nakatakda na ring magbenta ng bigas at asukal alinsunod sa “Presyong Risonable Dapat Program.”
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, layunin ng programa na maipaabot sa mas nakararami ang murang bigas lalo na kung wala nito sa mga palengke.
“‘Yung objective natin dito is maging accessible, available at affordable ang bigas. Kung hindi sila makapunta ng palengke, o convenient para sa kanila sa supermarket bumili,” ani Castelo.
Ayon kay Mai Magleo, associate vice president for Merchandising ng Robinsons Supermarket, sa kalaunan ay maaari rin silang magbenta ng mas mura pang bigas tulad ng NFA rice.
Nabatid na bukod sa bigas, ipinako na ng Robinsons Supermarket sa P50 kada kilo ang presyo ng puting asukal o refined sugar, na mas mura kumpara sa palengke na nagbebenta ng P60 kada kilo ng puting asukal. Nasa P45 naman ang bentahan sa pamilihan ng brown sugar.
Ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA), nasa P50 kada kilo na ang suggested retail price ng puting asukal pero hiniling ng ahensiya na gawin itong P55.
Sa monitoring ng SRA, nasa P62 kada kilo pa rin ang prevailing price ng refined sugar sa mga supermarket habang nasa P60 kada kilo naman ang bentahan ng puting asukal sa wet markets.
“’Yan ang magandang balita ngayon na may P34 hanggang P39 [per kilo] na bigas,” DTI Secretary Ramon Lopez
“Under Administrative Order No. 13 approved by the National Food Authority (NFA) in October, DTI allowed selected retailers to import rice directly without going through traders.”
“Dito sa programa natin na kapag sila ay nag-import, makakabenta sila ng diretso. In other words, ‘di na sila dadaan ng maraming traders. Makakabenta na sila ng murang bigas, ani Lopez.
“Ito ang ginawa natin para mas mura… para diretso na sa konsyumer.
“Ang unang nakapag-comply riyan ‘yung Robinsons Supermarket. Dito po sa Manila, 88 branches nila. Mayroon na silang bigas lower than P40 per kilo,” ani Lopez
“Kung naalala niyo, noong nagtaasan, nawala ‘yung mga regular commercial rice, puro special rice na ang binenta ng P55 per kilo pataas, paalala pa ng opisyal. VERLIN RUIZ
Comments are closed.