KAPAG nag-set po tayo ng standard, lalo na sa breeding, pagka 3-4 linyada lamang po ang nakapaloob sa manok o sa breeding materials na ating ginagamit, masasabi natin na tumama ka sa breeding, sa pairing mo when it comes to phynotype, ayon ‘yan kay Doc Marvin Rocafort ng El Campeon Conditioning Camp.
Aniya, ang ibig sabihin ng phynotype ay physical appearance na nakikita ng ating mga mata, habang genotype naman ‘yung mga katangian na hindi nakikita ng ating mga mata.
“’Pag ganito po uniform, based on my experience, ay ibig sabihin quality po. Para po sa akin, uniformity is a sign of quality. Uniformity in color po, it’s either kung mayroon mang variations sa pag-iiba ‘yun ano po lang, between light and dark. Doon po nabuo ang aking linyada. Titingnan na lamang ninyo ‘pag may diperensiya o wala,” ani Doc Marvin sa kanyang YouTube channel.
Aniya, kapag hindi masyadong malalim ang inbreeding at saka tatlo o apat na linyada lamang ang nakapaloob ay kopyang-kopya magkakamukha talaga ang mga anak.
“Kasi mahirap ho ang iba-iba ang kulay pati ang quality apektado talaga,” sabi ni Doc Marvin.
Sinabi pa ng beterinaryong gamefowl breeder na dapat maging maselan tayo sa pagpili ng mga breeding materials na ating gagamitin para siguradong quality ang magiging mga anak at para hindi po masayang ang ating mga pinaghirapan.
“Dapat matindi ho kayo sa pilian, ibig sabihin metikoloso. Matindi na at masikip na ang labanan ngayon, mahirap na ang gagamiting breeding materials na may diperensiya,” sabi pa niya.
Sinabi rin ng beterinaryong breeder na selection ang susi sa isang matagumpay na pagpapalahi ng mga manok panabong.
“Ang pagpapalahi po ng manok ay hindi ho biro-biro kasi napakahirap at magastos, given na po ‘yun. At kung kayo ay desidido dapat po combination ng love and money. Hindi po pupuwedend mapera ka lang tapos wala ka namang hilig sa pagmamanok o ‘di kaya mahilig ka pero wala ka namang panggastos,” ani Doc Marvin.
“Hindi naman po kailangang maraming pera, ‘yun tama lang. Kung naayos mo ‘yung pampamilya mo okay na ‘yun tapos po ‘yung sa manok …dapat po ay palaging manageable, ‘yun tama lamang sa paglalagyan. Pagka madami pong manok, madami rin po sakit ng ulo, kaya dapat kaya mo lang alagaan… hindi naman po paramihan ng alaga ng manok ang usapan, kahit kunti lang basta quality naman,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Doc Marvin na mag-alaga lamang kung anong linyada ng manok ang kursunada natin at hindi nakikiuso lamang o gaya-gaya lang kung ano mayroong linyada ang ibang breeder.
“Napakahirap po mag-alaga ng hindi mo kursunada… ‘yun nga po ang iyong kursunada napapabayaan mo eh, ito pa kayang hindi mo kursunada,” ani Doc Marvin.
Mahalaga rin, aniya, sa breeding na may naka-set na standard para alam natin kung saan tayo pupunta.
“Wag na wag po kayo gagamit ng materyales na may kapintasan po, napakahirap po, mapapagod kayo. Hindi bale pong matalo ang manok basta po kursunada ninyo,” ani Doc Marvin.
Sinabi pa niya na huwag nating pupuwersahing pakastahan ang ating mga pullet para siguradong maayos ang magiging itlog ng mga ito at magiging mga anak.
“Ayaw ko pong puwersahin na pakastahan, wala pong forced mating dapat 9-10 months para quality ang itlog at magiging anak. Hindi po pupuwe-deng madaliin ninyo ang breeding kasi hindi naman ikaw ang kakasta at hindi rin naman ikaw ang magpapakasta, eh bakit ka magmamadali. Matuto po tayong maghintay dahil po ‘pag nagmamadali sa sabong ay matalas na tari po ang nakakasalubong at ang nagmamadali po ay lalo lamang pong naiiwanan,” aniya.
“To be honest po para madali ang pagpili ng pullet, ano ho, bukod sa may standard kayo ay isipin ninyo na kayo ang kakasta, siguro naman ay hindi ka kakasta kung hindi mo kursunada,” dagdag pa niya.
Comments are closed.