NANANAWAGAN ang Department of Health (DOH) sa mga residente na nasa evacuation centers, gayundin sa mga opisyal na dumadalaw sa mga ganitong lugar upang maghatid ng tulong, na iwasan ang “physical contact,” gaya ng pakikipag-daupang-palad.
Ito’y upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) doon.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, batid nilang maaaring nasasabik ang mga residente at gustong maipakita ang kanilang pasasalamat sa mga opisyal na nagbibigay ng ayuda o tulong.
Pero paalala ni Vergeire na kailangang maintidihan ng mga tao at pati ng mga opisyal na may banta pa rin ng COVID-19 kaya’t dapat na maging maingat ang lahat.
Pakiusap pa ng DOH, hangga’t maaari ay iwasan ang physical contact gaya ng shake hands o pakikipagkamay, pagyakap at kahalintulad.
Idinagdag pa ni Vergeire, kailangan pa ring sumunod sa minimum health standards sa mga evacuation center para makaiwas sa COVID-19, kabilang na ang physical distancing, pagsusuot ng face mask at face shield, at regular na paghuhugas ng kamay.
Maaari rin naman aniyang maipakita sa ibang pamamaraan ang pasasalamat ng mga residente sa mga tumutulong sa kanila, habang nag-iingat sa panganib ng COVID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.