MAY posibilidad na magkaroon ng totoong graduation ngayong 2022, ito ang pahayag ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Education Secretary Leonor Magtolis Briones, malamang na makapagsagawa ng graduation rites ang ibang iskwelahan depende sa assessment ng rehiyon.
“Yung risk assessment natin sa mga different regions, sa mga different schools ay nag-improve. Pag nagtuloy-tuloy ito, the chances of being allowed to conduct face-to-face graduation also increases. Sunod-sunod yan pag nag-opening ka ng classes, nag-face-to-face (classes) ka, physical graduation rites are also possible,” ani Briones. “Ang hope lang natin, maabutan ng graduation season natin na hindi naman abutan ng hindi magandang balita (increase in COVID cases/alert level) kung may biglang pagbabago.”
Kahit hindi pa sigurado ang physical graduation rites, naghahanda na ang Office of the Undersecretary for Curriculum and Instruction (OUCI) ng guidelines sa pagsasagawa ng nasabing aktibidades.
“Kami sa Curriculum and Instruction Strand ay nag-uusap na ng magiging guidelines. Yung tanong na kung posible ang face-to-face graduation? Siyempre po kasi nga pinayagan na ang limited face-to-face, so ang ibig sabihin posible na rin yung limited face-to-face graduation ceremonies,” ayon kay Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado M. San Antonio.
Sinabi rin ni San Antonio na iba ang graduation ceremony na magaganap kumpara sa mga nakaraang graduation bago pa nagkaroon ng pandemya, dahil kailangang sumunod sa proper health and safety protocols sa panahon ng ceremony.
“Huwag tayong umasa na katulad ng dati na napakaraming tao, ire-regulate po natin, susundin natin yung mga social distancing requirements,” sabi pa ni San Antonio.
“May posibilidad na hindi lang isahan, baka may unang oras, isang grupo kung maliit yung lugar na pagdarausan ng face-to-face graduation. Mga ganon na modelo ay pinag-aaralan pa namin at pinag-uusapan, pero sisiguruhin natin na kung tayo ay magre-recommend nito ito ay sasang-ayon sa mga pinapatupad na requirements ng IATF at ng DOH,” dagdag pa niya. JAYZL VILLAFANIA NEBRE