PICK-UP TRUCK NAHULOG SA BANGIN: COAST GUARD TODAS, 5 SUGATAN

DEAD on the spot ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) habang tatlong opisyal , isang seaman at isang sibilyan ang sugatan nang mahulog ang sinasakyan nilang pick-up truck sa bangin sa Taytay Palawan nitong Linggo.

Sa ibinahaging report ni Coast Guard District Palawan (CGD-Pal) spokesperson Ens. Chrieson Dave Gabayan , sakay ng Toyota Hilux pick-up ang mga tauhan ng PCG patungong El Nido bandang alas-10 ng umaga.

Sa ulat mula sa Palawan police, sinabi na ang pickup truck na minamaneho ni Apprentice Seaman Alfredric Decon, 29-anyos, ang nag-overtake sa isang motorsiklo nang biglang pumutok ang isa sa mga gulong sa harap ng trak, dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver kung saan sumadsad ito bago bumulusok sa bangin.

Sinasabing tumilapon mula sa sasakyan si Seaman 2nd Class Lyric Orbon, residente ng bayan ng Narra sa Palawan na naging sanhi ng daglian nitong kamatayan.

Sugatan naman ang mga kasamahan nitong sina Ensign Jhairene Lim, Ens. Jerevy Miag-ao, at Ens. Friendly Mercado, na nakatalaga sa Coast Guard Station El Nido at Coast Guard Station Coron.

Agad namang naitakbo sa Northern Palawan Provincial Hospital ng mga rumespondeng rescue personnel mula sa Taytay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang iba pang mga biktima, na nagtamo ng maraming pinsala, para sa agarang atensyong medikal.
VERLIN RUIZ