Ayon kay IPOPHL Director General Rowel S. Barba, sa pagsuporta ng Lungsod Quezon sa PICS,hindi lamang umano pinapalakas ng siyudad ang kanyang posisyon sa entertainment industry kundi pati na rin sa mas malawak na espasyo ng creative arts. Isa rin itong pagpapakita ng suporta sa mga alagad ng sining at manlilikha at pagtatanggol sa kanilang mga karapatan sa mundo nating mabilis ang pagbabago.
Binigyang-diin din ni Barba ang dedikasyon ng lungsod sa pagtataguyod ng mga karapatan ng mga artista at pagpapaunlad ng paglikha ng intellectual property.
Dahil dito, ang Quezon City umano ang perpektong katuwang sa paglikha ng isang malaking kaganapang nakatuon sa usapin ng copyright at ng ating creative industry.
Kilala bilang “City of Stars,” tahanan ang Lungsod Quezon ng 130 rehistradong mga production companies at mga negosyo sa pelikula, anim na broadcast networks, at halos 100 sinehan, na nagpapakita ng reputasyon nito bilang kapitolyo ng kultura, libangan, at media sa Pilipinas.
Simula noong 2012, ang pamahalaang lungsod ay nagho-host ng taunang Quezon City International Film Festival (QCinema), ang nag-iisang festival ng pelikula sa bansa na pinamumunuan ng lokal na pamahalaan, kung saan mahigit 1,000 lokal at internasyunal na pelikula na ang naipalabas.
Ang lungsod ay malapit ding nakikipagtulungan sa mga filmmakers, artista, at creatives na nakabase sa Lungsod Quezon upang tugunan ang kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng bagong tatag na Quezon City Film Development Commission (QCFDC).
Hinihikayat ang publiko na manatiling updated sa mga social media pages ng IPOPHL at BCRR para sa mga anunsyo at karagdagang detalye.