ILANG beses nang ipinaliwanag ng Department ng Agriculture na may mga sapat na produktong pagkain sa bansa.
Subalit kamakailan ay trending sa social media na nasa P120 na ang presyo ng kada kilo ng kamatis sa isang palengke sa Mangaldan, Pangasinan.
Baka namalikmata lang ang consumer na nakakita nito dahil inaasahan ng taga-Metro Manila na mas mababa ang presyo ng gulay sa mga probinsiya.
Kung totoo ito, labis na nakakabahala dahil nasa Ber Months na tayo.
At alam ng lahat na kapag ganitong panahon ay nagtataasan ang bilihin, hindi lang ng gulay, prutas kundi maging karne at isda.
At nitong September ay sumadsad sa 1.9% ang inflation rate na ibig sabihin, mabagal ang galaw sa pagtaas ng bilihin.
Subalit kabaligtaran dahil ang isang limon (lemon) na P15 lang ay agad naging P20 makaraan ang apat na araw.
Maaaring walang kinalaman ang gobyrerno sa paiba-ibang pagtataas ng bilihing pagkain subalit nararapat na laging magpaalala sa mga retailer na hindj basta agad magtataas ng kanilang presyo.
Dahil mawawalan ng saysay ang pag-aaral at pagsukat sa inflation kung hindi naman nagtutugma sa reyalidad.
Naniniwala naman kami na gagawa ng hakbang ang pamahalaan na mahinto ang pag-abuso ng iilan.