(ni CT SARIGUMBA)
MARAMING nangyayari nang hindi inaasahan. Parang lindol na bigla-bigla na lang kung magparamdam. May mga sakit na bigla-bigla na rin kung dumapo. Mga pangyayaring sabihin mang hindi pa tayo handa pero nari-yan na, nangyayari. Ang magagawa na lang natin ay labanan. Lampasan ang mga pagsubok.
Alam naman nating may mga nangyayaring hindi inaasahan—maaaring maganda, puwede rin namang hindi. Gayunpaman, maikli lang ang buhay kaya’t dapat ay piliin natin ang maging maligaya. Ano man ang kaharapin natin sa araw-araw, dapat ay patuloy tayong umaasang magiging maayos din ang lahat. Buhayin ang buhay ng masaya,‘ika nga.
Kaya naman, narito ang ilang simpleng paraan upang sumaya ang buhay sa kabila ng mga pagsubok at problema:
MAGING POSITIBO SA LAHAT NG BAGAY
Okay, maraming pagsubok at problema ang bumubuntot-buntot sa atin sa araw-araw. Hindi naman iyan maiiwasan lalo pa’t kaliwa’t kanang ala-lahanin at obligasyon ang kailangan nating gampanan.
May mga pagkakaton ding nawawalan tayo ng pag-asa lalo na kung may pagsubok na bigla na lang nagpapabagsak sa atin. Tandaan nating lahat ng bagay ay nangyayari ng may dahilan.
Kaya’t imbes na mag-isip ng negatibo o mawalan ng pag-asa, mas mainam kung titingnan ang mga problema at pagsubok ng positibo. May positibong kapalit ang bawat negatibong pangyayari.
MASUSTANSIYANG PAGKAIN AT MAG-EEHERSISYO
Hindi nawawala ang pagkain sa hilig nating mga Filipino. Napakaraming naiimbentong pagkain ng bawat Filipino na talaga namang nagpapangiti sa kahit na sinong makatitikim.
Dahil sa kahiligan natin sa pagkain, kung minsan ay hindi na natin napapansing nakasasama o sobra na pala ang nilalantakan nating pagkain at naka-pagdudulot na ng iba’t ibang sakit.
Nang humaba ang buhay at maging masaya, importanteng masusustansiyang pagkain ang ating kinahihiligan. Dapat din ay nagagawa nating mag-ehersisyo nang mapanatiling malusog at malakas ang pangangatawan. Pansinin natin, kapag malakas at malusog ang ating kabuuan, mas masaya tayo dahil wala tayong sakit o problemang iniinda sa kalusugan. Mahalaga ring nakapagre-relax tayo gaano man karami ang kailangan nating tapusin.
Kumain ng gulay at prutas – maraming bitamina at sustansyang taglay ang mga gulay at prutas kaya mainam ito sa katawan.
MAGLAAN NG PANAHON SA PAMILYA
May mga magkakamag-anak o magkakapamilya na nagkakasamaan ng loob. May mga hindi napagkakasunduan.
Hindi naman imposible ang ganoong scenario lalo na’t iba-iba ang pagtingin ng bawat isa sa atin sa mga bagay-bagay sa paligid.
Gayunpaman, importanteng mas pinipili nating maging masaya. At para maging masaya, mainam ang paglalaan ng panahon sa pamilya o kamag-anak. Makatutulong din upang humaba ang ating buhay kapag wala tayong galit o sama ng loob na dala-dala sa ating puso.
Kaya hangga’t maaari ay matuto tayong magpatawad at humingi ng tawad—sa kapamilya man iyan, katrabaho o kaibigan.
GUMAWA NG TAMA AT MAGING TOTOO SA SARILI
Mas masarap sa pakiramdam ang paggawa ng tama kaysa sa ang paggawa ng mga mali. Kaya naman, kung alam mong mali ang aksiyong gagawin, huwag nang itutuloy.
Mas may katiwasayan sa loob kung gagawa tayo ng maganda.
Higit sa lahat ay maging totoo rin sa sarili.
MAHALIN ANG TRABAHO
Maraming pagsubok ang dumarating sa atin sa trabaho o sa pag-abot natin sa ating mga pangarap. Kung minsan, nadadala tayo ng mga pagsubok at ninanais na sumuko na lang. May mga pagkakataon ding kapag may nangyaring hindi maganda sa trabaho, gusto na nating umayaw na lang upang mat-apos na ang lahat. Huwag tayong sumuko. Harapin natin ang problema.
At isang paraan din upang malampasan ang mga pagsubok sa trabaho ay kung mahal mo ang iyong ginagawa.
MAGLAAN NG PANAHON SA PAMAMASYAL
Importante rin ang paglalaan ng panahon sa pamamasyal o pagtungo sa ibang lugar—mag-isa man o kasama ang mahal sa buhay o mga kaibigan.
Sa ilang pag-aaral, lumalabas na ang pagbabakasyon o pagtungo sa iba’t ibang lugar ay nakapagdudulot ng ibayong kaligayahan sa isang tao kumpa-ra sa mga taong nakatuon lang ang atensiyon sa trabaho.
MAGING SOCIALLY ACTIVE
Lumalabas din sa ilang pag-aaral na ang pagiging socially active ay nakapagdudulot ng positibong pakiramdam sa isang tao. Kumbaga, naka-pagdudulot ito ng kaligayahan. Kaya naman, panahon na upang lumabas kasama ang mga kaibigan.
NGUMITI NG BUONG PUSO
Panghuli sa tips upang lumigaya o sumaya ang buhay ay ang pagngiti.
Mas marami ka ring kaibigan kapag lagi kang nakangiti.
Nakagaganda rin ng pakiramdam ang pagngiti.
Marami tayong paraang puwedeng gawin nang sumaya ang ating buhay. Nasa sa atin din kung pipiliin ba natin ang masaya o malungkot na buhay.
(photos mula sa webjazba.com, mindfood.com, thepdcafe.com, magic1019.radio.com)
Comments are closed.