PILIING MAGING MALIGAYA SA KABILA NG PAGSUBOK AT PROBLEMA

MALIGAYA

(NI CT SARIGUMBA)

KUNG problema at pagsubok lang din ang pag-uusapan, hindi iyan nawawala. Parati natin iyang karamay sa araw-araw na paglalakbay natin sa mundo. Pero may puwede tayong pagpilian—kung isasabuhay ba natin ang buhay ng masaya, o kung mas pipiliin natin ang kalungkutan.

Maraming tao ang tila bulag. Mga taong dilim lang ang nababanaagan. Nakalulungkot ang gayong mga tao. Imbes kasing mag-enjoy sa buhay, mas hinahayaan nilang lamunin sila ng dilim at kalungkutan.

Maraming benepisyo sa kalusugan ang pagi­ging masaya. At ilan nga riyan ay ang mga sumusunod:

GUMAGANDA ANG PAKIRAMDAM

Unang-una sa magandang naidudulot ng pagiging masaya ay ang magaan at magandang pakiramdam. At kung magaan at maganda ang ating pakiramdam, nagiging positibo ang pagtingin natin sa mga bagay-bagay.

Pansinin na lang natin kung malungkot tayo, hindi ba’t kunot ang noo natin at feeling natin ay makikipag-away tayo sa kahit na sino? Mabilis din kung uminit ang ating ulo. Lagi ring negatibo ang tingin natin sa mga bagay-bagay. O ang mas maganda yatang sabihin, mas trip mong hanapan ng mali ang isang tao para lang maging miserable ang buhay nila.

Walang dulot na kabutihan ang pagiging malungkot. Dahil maling-mali ang ganyang ugali. Sa madaling salita, sinisira mo ang sarili mo, gayundin ang relasyon mo sa pamilya, kakilala, kaibigan at katrabaho.

Kaya naman, tanggalin na ang kung anumang nararamdamang negatibo sa dibdib. Piliin ang ma­ging masaya nang sumaya rin ang iyong buhay.

LUMALAKAS ANG IMMUNE SYSTEM

Nakapagpapalas din ng immune system ang pagiging masaya. At kung malakas ang iyong immune system, maiiwasan mo ang nagkalat na sakit sa paligid.

Nakapagpapababa rin ng blood pressure ang pagiging masaya. Ibig sabihin, naiiwasan nito ang mga sakit gaya ng heart disease. Kaya’t kung gusto mong lumakas at hindi magkasakit, tama na ang pag-e-emote, magpakasaya ka. Maikli lang ang buhay. Huwag nating sayangin.

NAIIWASAN ANG NADARAMANG SAKIT AT STRESS

Kapag sawian ka sa pag-ibig, sobrang lungkot ang nararamdaman natin. Kung minsan, gusto na­ting mandamay. Gusto nating maging miserable rin ang mga taong nasa ating paligid.

Kung pipiliin nating maging malungkot, mas lalala ang sakit na nararamdaman natin. Mas makadarama rin tayo ng stress.

At para maiwasan ang kirot ng puso, stress at pananakit ng katawan, ngumiti. Nakababata rin ang pagngiti. Kaya kung lagi kang nakasimangot, baka tumanda ka ng wala sa oras.

Kaya’t maging happy lang tayo.

HUMAHABA ANG BUHAY AT NAGIGING SUCESSFUL

Habang masaya ka rin, paniguradong hahaba ang iyong buhay. At higit sa lahat, malaki ang tiyansa ng pagiging successful at pagkakaroon ng maraming pera.

Nagiging mas produktibo rin ang taong masayahin. Nagkakaroon din ng maraming kaibigan. Higit sa lahat, mas nagiging creative sa pinili nilang karera.

Hindi maiiwasan ang lungkot sa mundong ating ginagalawan. Maraming problema ang kinahaharap natin. Maraming pagsubok na kung minsan ay nagtutulak sa atin upang sumuko na lang sa buhay. Marami rin tayong makikilalang tao na magpapahirap sa atin—physically ang emotionally. Ngunit laban lang. Tuloy lang ang buhay.

Tandaan na habang happy tayo, mas healthy rin tayo. Kaya naman, piliing maging masaya sa kabila ng kaliwa’t kanang pagsubok.  Kumbaga, mag-enjoy sa buhay. (photos mula sa rainshadowcoaching.com, liveboldandbloom.com)