PILIPINAS GAGAWING TOURISM POWERHOUSE SA ASYA NI PBBM

PINANGUNAHAN nga pala ng Department of Tourism (DOT) ang pagdiriwang ng 50th anniversary ng kagawaran kamakailan.

Ang selebrasyon ay dinaluhan ni Pres. Ferdinand Marcos Jr.

Kasabay naman ng pagdiriwang na iyon, aba’y nakatanggap ang Pilipinas ng ilang nominasyon sa 30th World Travel Awards (WTA)-Asia category tulad ng Island Destination, Beach Destination, Dive Destination, Wedding Destination, at Intramuros in Manila as Tourist Destination.

Kung maaalala, ang Intramuros ay itinanghal din bilang Asia’s Leading Tourist Attraction sa 29th WTA noong September 2022.

Sa nasabing event, nanawagan si PBBM sa mga Pilipino sa loob at labas ng bansa na maging influencer at makiisa sa pagtupad ng layunin ng pamahalaan na gawing tourism powerhouse sa Asya ang bansa.

Naglunsad na rin kasi ang DOT ng bagong slogan nito na “Love The Philippines” sa golden anniversary ng ahensya.

Solido ang suporta ng Presidente sa pagtataguyod ng sektor bilang isa sa mga haligi ng pambansang ekonomiya.

Bunsod ng mga naging tagumpay sa pagpapaunlad ng industriya ng turismo, kinilala rin ni Pangulong Marcos ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng kagawaran.

Pinuri ng Pangulo si Tourism Secretary Cristina Frasco at ang buong sa DOT team sa bagong branding na nailunsad nito at maging ang mga target nitong gawin tulad ng pagsusulong ng mga produkto mula sa iba’t ibang rehiyon, infra projects para sa maalwan na pagbiyahe, at iba pa na naka-angkla sa National Tourism Development Plan.

Samantala, nakipagpulong nga pala kamakailan si Pangulong Marcos sa mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung saan pangunahing natalakay ang paggamit ng makabagong teknolohiya para sa pangangalaga sa kapaligiran at likas na yaman ng bansa.

Napagkasunduan din ang pagbuo ng isang natural resources geospatial mapping tool.

Kung hindi ako nagkakamali, ang mapping tool ay pangangasiwaan ng Geospatial Database Office (GDO) ng DENR.

Sinasabing ito ang makatutulong sa pagtukoy ng mga lugar para sa reforestation efforts ng pamahalaan.

Magiging kasangkapan ito para mapamahalaan nang mabuti ang watershed at pagbabalangkas ng mga patakaran sa pagmimina, gayundin sa pagbabantay sa mga river basin, watershed, at kagubatan na kailangang pangalagaan.

Sa tulong daw ng mga satellite imagery na malilikha ng ahensya sa suporta ng Philippine Space Agency (PhilSA) ay maisasakatuparan nila ito.

Good luck and more power po sa inyo, mga bossing!