HINDI MAGPAPATINAG ang Pilipinas sa mga pahayag ng China hinggil sa nagaganap na tensyon sa may Ayungin Shoal at tiniyak ng National Task Force-West Philippine Sea at ng Armed Forces of the Philippines na tuloy ang naudlot na resupply mission para sa mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
Ayon kay NTF-WPS spokesman Jonathan Malaya, “Yes definitely itutuloy natin ‘yung resupply mission and we will definitely do everything in our power to ensure that our troops in the Ayungin Shoal are properly provisioned.”
At titiyakin umano ito ng AFP Western Command at Philippine Coast Guard na makararating ang pagkain, supplies at gasoline, bagamat hindi na dinetalye kung paano ito gagawin for security reason.
Nilinaw ng AFP partikular ng NTF-WPS na hindi nila aalisin ang BRP Sierra Madre gaya ng gusto ng China para umano mawala ang tension sa area.
“Never, never, we will not abandon Sierra Madre ano, kahit magpatentero tayo araw araw hahaha, we will continue to ano, to support and supply our troops our, yung BRP sierra madre LS 57 is a symbol of Philippine sovereignty over that area,” ani Malaya.
Iginiit ng China na tanggalin ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na tinatawag ng China na Ren’ai Jiao.
Ginawa ng Chinese Ministry of Foreign Affairs ang naturang pahayag bilang tugon sa komento sa statement ng US State Department na binatikos ang China sa pagharang sa barko ng Pilipinas habang nagsasagawa ng resupply mission para sa Navy vessel.
Saad nito na malinaw ang makasaysayang konteksto ng isyu sa Ayungin Shoal, dagdag pa nito na noong 1999, ipinadala ng Pilipinas ang naturang military vessel at sinadyang sumadsad sa lugar sa pagtatangkang baguhin ang status quo ng Ren’ai Jiao nang ilegal.
Aniya, ilang beses umano na nangako ang Pilipinas na tqtanggalin ang barko subalit hindi aniya ginagawa ng bansa.
Hindi lamang aniya ito, sinusubukan din aniya ng Pilipinas na i-overhaul at i-reinforce ang BRP Sierra Madre upang permanenteng maokupa ang Ayungin Shoal.
Tahasan namang ikinaila ni Malaya na may usapan sa pagitan ng Pilipinas at China para alisin ang nasabing lumang commissioned warship ng Philippine Navy. “There is no record or any minutes of a meeting or any formal report or any legal document ano, legally enforceable document or otherwise ano or a verbal agreement not alam namin sa national security council, alam mo kasi sinadsad natin yan matagal na panahon na ano, way back if I’m not mistaken during the time of president Estrada so ilang administrasyon na rin yan, so kailan nangyari yang commitment na yan, sino ang nagsabi because it will be very difficult for us to respond to a parang hypothetical question on the part of China because insofar as we’re concerned we have no and will never sign or agree to anything that would in effect abandon our sovereign rights and jurisdiction over the West Philippine Sea.”
Umalma rin si AFP Spokesman Col. Medel Aguilar sa pahayag ng China na Pilipinas pa ang nanghihimasok sa Renai o Ayungin Shoal kaya humantong ito sa nasabing aksyon ng China Coast Guard at binomba ang charter boat ng Pilipinas para sa resupply mission.
“Trust more the words of our government officials who are fighting for what is right under international laws, reinforced by the arbitral award, and what is good for the Filipino people,” ani Col Medel.
“The video footage are incontrovertible evidence showing the unlawful and excessive acts of the China Coast Guard against our own people. Actions that endanger peoples’ lives can never be described as professional, restrained and beyond reproach. Our PCG vessels also have water cannons. Unlike the CCG, our PCG uses them to save lives,” dagdag ni Malaya. VERLIN RUIZ