PILIPINAS NAGPAHAYAG NG PAGKABAHALA SA TAIWAN STRAIT TENSION

HINDI ikinaila ng Defense Department na nababahala ang Pilipinas sa nagaganap na tensyon sa Taiwan Strait, kaya’t kaisa sila sa pagsusulong para sa mapayapang pamamaraan para maresolba ito.

Ayon kay DND Officer in Charge Sr. Undersecretary Jose Faustino Jr. bagama’t tumatalima ang Pilipinas sa “one China” policy, nananawagan ang pamahalaan sa dalawang bansa na pairalin ang restraint at diplomasya, at idaan sa diyalogo ang hindi pagkakaintindihan upang mapanatili ang kapayapaan.

“I would like to emphasize the statement of our President. The principle guiding foreign policy is always peace, and the Philippines is concerned with the recent security developments in Taiwan, the Taiwan Strait particularly, which is just near our territory. While the Philippines adheres to the One China Policy, we urged all concerned parties to exercise restraint and diplomacy, and dialogue must prevail.”

Ito ang inihayag ni DND OIC Sr. Undersecretary Jose Faustino Jr. sa ginanap na joint press conference, matapos ang pagpupulong nila ni US Secretary of Defense Lloyd Austin III.

Ayon sa kalihim, nag-aalala ang Pilipinas sa mga kaganapang panseguridad sa Taiwan Strait na malapit lang sa Pilipinas.

Inaalala rin ang kaligtasan ng mga manggagawa sa Taiwan na nasa 130, 000 hanggang 150,000 OFWs.

Tiniyak ng Defense Department na prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan ng OFW sa Taiwan.

Aminado si Faustino na ang maselang sitwasyon ngayon sa South China Sea at West Philippine Sea ay nanatili ang security concern ng bansa.

Mahalaga rin aniya na updated at maipatupad ang PH-US mutual defense concept plan sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT) base sa nagbabagong sitwasyon sa rehiyon.

Nagkasundo ang United States Defense Department at Department of National Defense ng Pilipinas na patatagin ang alyansa ng dalawang bansa base sa mga kaganapan at “robust external threat” bunsod ng mga kaguluhan sa Ukraine at sigalot sa South China Sea at Taiwan Strait.

Nitong nakalipas na linggo ay nagkaharap sina U.S Secretary of Defense Lloyd J. Austin III at Senior Undersecretary Faustino Jr., acting defense secretary ng Pilipinas kasama si Armed Forces chief of Staff General Bartolome Bacarro sa Camp Smith sa Hawaii. VERLIN RUIZ