PILIPINAS NAIIPIT 2 SUPER POWERS

AMINADO ang National Security Council na naiipit ang Pilipinas sa geopolitics at word war ng dalawang superpower countries, ang United States at China na kapwa itinuturing na mga kaibigang bansa.

Kasunod ng pagbisita ni US Secretary of State Antony Blinken sa Maynila noong Biyernes ng gabi ay inihayag ng NSC na patuloy na nagmamasid ang bansa sa mga kaganapan kaugnay na rin sa naunang naganap na pagdalaw naman ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan.

Inihayag ni National Security Adviser (NSA) Clarita Carlos na mananatiling neutral ang Pilipinas at hindi papanig sa umiinit na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at China.

Inihayag ni Carlos na ang ginawang pagbisita ni Speaker Pelosi ay nagpapataas ng temperatura sa rehiyon na ayaw niyang mangyari lalo pa’t kabilang tayo na nakatira sa nasabing rehiyon at naiipit tayo sa pagitan ng dalawang magkasalungat na China at US.

“Well yes, I think you mentioned the magic word “concern,” because like our neighboring countries like Japan, South Korea, Singapore and others have declared their concern that this visit by Speaker Pelosi might ratchet up the temperature in the region which we do not want to happen as we also reside in this region and we are stuck in between the two conflicting superpowers, China and the US,” ani Carlos sa isang panayam.

Nilinaw rin ng NSA na base sa umiiral na foreign policy ng bansa, magpapatuloy ang Pilipinas sa pakikipag-ugnayan sa parehong partido na paulit-ulit nang idineklara ni President Ferdinand Marcos na makikipag-ugnayan tayo critically and constructively sa parehong China at US.

Kailangan aniya na gumawa ng mahusay na pagka-calibrate ng relasyon sa dalawang political countries.
“China is our neighbor but at the same time we have continuing conflict regarding the contested South China Sea and on the other hand, we have the Mutual Defense Treaty of 1951 so we are a defense ally of the US,” anang kalihim, maraming “moving parts” ang dapat isaalang-alang sa isyu kaya hindi maipapayo ang pagpanig alinman sa dalawang bansa.

Dahil dito ay kailangan umanong panatilihin ng Pilipinas ang kanilang stand hinggil sa One China Policy. Bukod dito ang pangangailangan na bigyan din ng proteksyon ang may 145 overseas Filipino migrant workers sa Taiwan. VERLIN RUIZ