PILIPINAS PANININDIGAN ANG USAPIN SA WPS

TINIYAK ni Defense Secretary Gilberto ‘Gibo’ Teodoro sa ikawalong taon ng pagwawagi ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration (PCA) na paninindigan ito ng Pilipinas.

Ito ayon kay Teodoro para sa kapakanan ng sambayanang Filipino at ng mga susunod pang henerasyon.

Sa ika-8 anibersaryo ng 2016 arbitral award na iginawad ng Permanent Court of Arbitration pabor sa Pilipinas laban sa China ay inihayag ni Teodoro na patuloy ang kanilang pagsisikap para maprotektahan ang teritoryo at soberanya ng Pilipinas.

“Philippines to ‘stand our ground’ in South China Sea dispute,” pahayag ng kalihim para matiyak na Pilipinas ang makikinabang sa likas na yaman mula rito at hindi ibang bansa sa ilalim ng umiiral na international law.

“Kaya po, ito po ay hindi biro-biro, hindi po ito salita lamang. Ginagawa po namin araw-araw, pinagsisikapan po namin na mapangalagaan ang teritoryo at sovereign rights ng ating bansa upang makinabang ang Republika ng Pilipinas, at hindi anumang bansa, sa likas na yaman na itinatag (itinakda) ng International Law sa ilalim ng recognized na batas na kinikilala ng maraming bansa, hindi po tulad ng naratibo ng ibang mga bansa na sila lang po ang naniniwala,” mensahe ng kalihim.

“Sa ikawalong anibersaryo po ng 2016 Arbitral Award, kung saan po nagwagi ang ating bansa laban po sa Tsina, kung saan pinagtibay ng Permanent Court of Arbitration ang ating mga karapatan, lalong-lalo na po sa ating Exclusive Economic Zone… na ito po ay likas na yaman na para sa Pilipinas at para sa Pilipino lamang.

Ito pong award po na ito ay isinasapuso po ng bawat miyembro ng ating Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, lalong-lalo na ang ating mga kawal na nasa LS57, BRP Sierra Madre,” sabi pa ng kalihim.
VERLIN RUIZ