TAHIMIK at walang gustong magkomento sa inilabas na item ng Center for Strategic and International Studies kaugnay sa report ng Asian Maritime Transparency Initiative hinggil sa pag-land ng isang makabagong Chinese bomber plane sa isang isla sa South China Sea.
Sa article ng AMTI ay ipinagmalaki ng People’s Liberation Army Air Force (PLAAF) ang pag-land ng kanilang H-6K bomber noong Biyernes, Mayo 18, 2018 sa isa nilang outpost sa South China sa kauna -unahang pagkakataon.
Sa social media posts ng PLAAF sa kanilang Weibo account, at maging sa kanilang state-owned People’s Daily Twitter account, ay ipinakita ang paglapag ng kanilang long-range bomber at pag-take off nito mula sa Woody Island, isa sa malalaking island base ng China sa Paracel Islands.
Sa pag-aaral ng AMTI, ang Woody Island ay ang blueprint ng China para sa gagawing deployment sa Spratlys group of Island kung saan nakapagtayo na ang nasabing bansa ng malalaking hangar sa kanilang “Big 3” outposts sa Subi, Mischief, at Fiery Cross Reefs na kayang maka- accommodate ng long range bombers gaya ng H-6K at maging ng mga large transport, patrol, and refueling aircraft.
Lubha umano itong nakababahala dahil ang H-6 aircraft ay may combat radius na umaabot sa 1000 nautical miles na nangangahulugan na ang kahit na ordinaryong bomber plane ng China na magmumula sa Woody Island ay kayang ma-cover ang buong South China Sea.
Ang Pilipinas ay pasok sa radius na kayang maabot ng bomber kabilang ang Maynila at ang limang military base na na-katakdang i-develop ng United States sa ilalim ng U.S.-Philippines Enhanced Defense Cooperation Agreement.
“An H-6K, with its technical upgrades giving it a combat radius of nearly 1900 nautical miles, would dwarf this radius, putting all of Southeast Asia in range of flights from Woody Island,” ayon sa report.
Kung sakaling malagay sa Big 3 ang mga islang inaangkin din ng Pilipinas na sakop ng Sprtalys ay abot kamay na rin ang Sin-gapore at malaking bahagi ng Indonesia ng maliit na bomber.
Habang kung ang gagamitin naman ay ang high end H-6Ks ay kayang kayang marating ng mga bomber ang northern Australia o U.S. defense facilities sa Guam. VERLIN RUIZ
Comments are closed.