PILIPINAS VENUE PARA SA 2024 FORBES ASIA FORUM

SA Pilipinas gaganapin ang business summit sa susunod na taon o sa 2024.

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maging host ang bansa para sa Forbes Asia Forum a Forbes Global CEO Conference na inaasahang magreresulta ng mas malawak na exposure para makaakit ng foreign investors.

Kumpiyansa ang Pangulo na papabor sa ekonomiya ng Pilipinas ang nakatakdang business summit kasunod ng kanyang pakikipagpulong sa senior executives sa Forbes Media LCC.

“I hope that we can feature that in this conference and we can show the Philippines as it is now, as opposed to perhaps some of the ideas that people have had almost for a while,” ani Pangulong Marcos sa Forbes’ top executives.

Ang mga matataas na opisyal ng Forbes Media LCC na nakaharap ni Pangulong Marcos ay Forbes Vice Chairperson Christopher Forbes, Chief Executive Officer William Adamopoulos, Forbes Media Asia Pte. Ltd. Senior Vice President Tina Wee, Regional Director Michelle Ong at MMPR Media Group Inc. Country Representative Marie Monozca.

Kabilang naman sa inaasahang matatalakay sa global CEO conference ng mga tycoons, entrepreneurs, investors, at leaders ay ang key issues sa international concern at pagtatatag ng bagong partnerships, na katatampukan sa pagitan ng senior Forbes editor at isang lider mula sa host country.

Ngayong 2023, ang nasabing business global conference ay gaganapin sa Setyembre sa Singapore at ang mga visiting executives nito ay inimbitahan na si Pangulong Marcos na maging bahagi ng fireside chat sa conference.

Habang ang Forbes Asia Forum, na itatampok sa Forbes Asia’s Best Under a Billion and Forbes Asia’s 100 to Watch, ay gaganapin sa ika-apat na quarter ngayong taon sa Singapore.
EVELYN QUIROZ