PILIPINO MIRROR: DOSE ANYOS NA!

NAIS kong batiin ang PILIPINO Mirror sa kanilang ika-12 anibersaryo!

Napakabilis ng panahon. Humarap sa hamon at tagumpay ang PILIPINO Mirror mula nang itaguyod ito ng namayapang Ambassador Antonio “Amba” Cabangon Chua na isang kilalang negosyante at pilantropo.

Ang pagtataguyod sa PILIPINO Mirror ay nag-ugat bilang katuwang ng diyaryong

BusinessMirror. Minarapat ni Amba ang pangangailangan ng isang tabloid ng nasabing pahayagan upang maabot ang masa sa mga impormasyon na nangyayari sa ating bansa.

Sa pangangalaga ngayon ng kanyang anak na si Edgard, minarapat niya na ipihit at itutok ang PILIPINO Mirror bilang “Ang Unang Tabloid sa Negosyo”.

Marahil ay nakita ni Edgard ang kahalagahan ng lokal na negosyo bilang susi sa pagpapalakas ng ekonomiya ng ating bansa. Ang wastong impormasyon tungkol sa mga samu’t saring balita sa negosyo at kalakaran na mababasa sa PILIPINO Mirror ay isang mahalagang kontribusyon  bilang katuwang sa pag-unlad ng ating bansa.

Hangad ko na ipagpatuloy ang magandang pamamalakad ng diyaryong ito na ginawaran ng iba’t ibang parangal tulad ng 2017 Best Print Media Partner mula sa SSS Kabalikat ng Bayan Awards. Magkasunod din na pinarangalan ang PILIPINO Mirror sa 16th at 17th Gawad TANGLAW bilang Best Filipino Newspaper. Nagwagi rin ang PILIPINO Mirror ng Jury Award for Excellence in Print and Development Communications noong 2020 sa 18th Gawad TANGLAW Awards.

Mabuhay ang PILIPINO Mirror!