PILIPINO MIRROR: ISANG DEKADA NG WASTONG PAMAMAHAYAG

NAPAKABILIS  ng panahon. Marami ang nangyari at marami rin ang nagbago. Sa loob ng sampung taon, nasaksihan ng PILIPINO Mirror ang pagpapalit ng administrasyon. Taong 2012 nang itinaguyod ang PILIPINO Mirror bilang nakababatang kapatid ng pahayagang BusinessMirror na siyang nagbibigay impormasyon sa ating mga mamamayan. Ang PILIPINO Mirror ay sadyang itinatag para sa ating mga mamamayan na mas pinipili at tinatangkilik ang pahayagan sa wikang Pilipino.

Taong 2010 nang hinalal ng sambayanan si Benigno Simeon c. Aquino III bilang ika-15 Pangulo ng Pilipinas. Marami ang nangyari. Marami rin ang nagbago. Pagkatapos ng dalawang taon, naisip ng kilalang negosyante at pilantropo na si yumaong Ambassador Antonio Cabangon Chua ang pangangailangan na magtayo ng isang tabloid newspaper na magiging katuwang ng BusinessMirror.

Kaya itinayo ang PILIPINO Mirror. Nasaksihan ng PILIPINO Mirror sa pamamagitan ng pagbabalita ang mga mahahalagang pangyayari sa ating bansa.

Taong 2016, nanalo si Rodrigo Roa Duterte bilang Pangulo ng Pilipinas. Patuloy pa rin ang PILIPINO Mirror sa pamamahayag at pagbibigay ng balanseng impormasyon at katotohanang balita. Subalit may nakita ang namamahala ng pahayagan na isang aspeto na makakatulong sa mga Pilipino. Ito ay pagbibigay diin sa negosyo sa laman ng pahayagan.

Ngayong 2022, magiging saksi at tagapahayag pa rin ng balita ang PILIPINO Mirror sa mapipili ng sambayanan kung sino ang ika-17 na Pangulo ng Pilipinas.

Dahil dito ay ginawaran ang PILIPINO Mirror bilang “BEST FILIPINO NEWSPAPER” sa loob ng tatlong taon ng Gawad TANGLAW. Marami pang pagkilala at pagsipi ang PILIPINO Mirror mula sa pribadong organisasyon, academe at sa ating pamahalaan.

Para sa ika-10 Anibersaryo ng PILIPINO Mirror, ang tema ng selebrasyon ay TEN PAYAMAN kung saan magkakaroon ng tatlong special anniversary issues ang pahayagan.

Ngayong araw ay gunitain kung saan nagsimula ang PILIPINO Mirror o ANG SIMULA NG SALAMIN NG KATOTOHANAN; samantala sa ika-7 ng Mayo ay bibigyan diin sa nasabing anniversary issue kung saan tatalakayin ang financial literacy at iba pang mga Negosyo na umasenso upang maging inspirasyon sa ating mga kababayan at tatawagin na TUGON SA BAGONG HAMON. At sa katapusan ng buwan ng Mayo ay magiging tampok na usapan tungkol sa micro, small-scale and medium enterprises (MSME) tulad ng pagtatatag ng sari-sari store, panaderia, food carts, carinderia, online sellers, magsasaka at mangingisda, rice retailing, street food, mga service-related tulad ng photography, video editing, paggawa ng sabon, printing, ukay-ukay at marami pang iba na tatawagin na ANG COLLAB TUNGO SA PAG-ASENSO.