IGINIIT ng dalawang ranking officials ng Kamara de Representantes na palalawigin ng Department of Transportation (DOTr) ang itinakda nitong anim na buwang ‘pilot-implementation’ para sa operasyon ng ‘motorcycle taxi’, na magtatapos sa unang linggo ng darating na buwan ng Disyembre.
Kasabay nito, kapwa iginiit nina House Committee on Public Accounts Chairman Mike Defensor (party-list Anakalusugan) at House Committee on Public Works and Highways Vice-Chairman Anthony Peter “Onyx” Crisologo (1st. Dist. Quezon City) na pahintulutan din ng DOTr na maging bahagi ng naturang ‘pilot implementation’ ang iba pang ‘raid-hailing firms’ kabilang ang JoyRide.
Ayon sa Anakalusugan partylist solon, ang kasalukuyang estado ng mga lansangan sa bansa, partikular ang matinding trapik na nararanasan sa Metro Manila at iba pang highly-urbanized areas kabilang ang Cebu, ang dahilan kung bakit marami ang tumatangkilik sa ‘motorcycle taxis’ o kilala rin sa tawag na habal-habal.
Bunsod nito, mayroong aniyang mga panukalang batas na inihain sa lower house at maging sa Senado na nagsusulong para payagan na ang pagbibiyahe ng mga motorsiklo o maging pampasahero, na sa ngayon ay ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.
“Hindi na natin maihihinto ito (motorcycle taxi operations), mangyayari na ito. Indonesia, ilang dekada nang nauna sa atin, Thailand nandiyan na meron na ngang meter,” pagbibigay-diin ni Defensor kung kaya umapela siya sa DOTr na higit na bigyang-pansin ang operasyon ng iba pang ride-hailing companies hindi lamang sa Metro Manila kundi maging ang mga nagnanais mag-operate sa Visayas at Mindanao. ROMER BUTUYAN
Comments are closed.