MULING binuksan sa Parañaque National High School (PNHS) main campus ang pagsasagawa ng ‘expanded face-to-face classes’ sa pamamagitan ng “Hylearn Learning” sa gitna ng pagsubok na tinatahak at nararanasang pandemya dulot ng COVID-19 sa lungsod.
Ang pagsasagawa ng pilot run ng limitadong in-person classes ay inaprubahan na ng Department of Education (DepEd) at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Nangako ng buong suporta sa DepEd ang lokal na pamahalaan sa pagsalubong sa mga kabataan sa pagbabalik eskuwela sa kabila ng pagsisimula ng limitadong pilot at boluntaryong in-person classes sa mga lugar na mayroong minimal-risk.
Inihayag din ng lokal na pamahalaan na nagsagawa ang lungsod ng pamamahagi ng karagdagang laptops, tablets, android phones sa mga estudyante gayundin ang internet connectivity sa mga school campus at iba pang pangangailangan ng mga estudyante para sa pagpapatuloy ng hybrid learning.
Ang mga guro at non-teaching personnel na kabahagi sa isinagawang pilot ay naunang siniguro na munang mga fully vaccinated para sa proteksyon at kaligtasan ng mga estudyanteng kabataan.
Sa panig naman ng mga estudyante, kailangan lamang ng mga ito ng consent ng kanilang mga magulang at walang kahit anumang comorbidities bago sila payagan na lumahok sa face-to-face classes.
Kabilang sa isinagawang relaunching ng face-to-face classes ay sina Parañaque City Schools Division Superintendent Dr. Evangeline P. Ladines, Paranaque Rep. Eric Olivarez, Barangay Chairman Noel Japlos, school supervisors at principals pati na rin ng mga faculty members. MARIVIC FERNANDEZ