PILOT RUN NG K TO 12 CURRICULUM SIMULA NA SA SEPT. 25

IPINATUTUPAD ng Department of Education ang pilot testing ng binagong Kindergarten hanggang Grade 10 curriculum na magsisimula sa Setyembre 25 sa mga piling paaralan sa buong bansa.

Batay sa listahan na ibinigay ng tanggapan ng ahensya ng undersecretary para sa curriculum at pagtuturo, hindi bababa sa 35 paaralan ang sumasali sa pilot na pagpapatupad ng binagong K to 10 curriculum o mas kilala bilang “Matatag Curriculum.”

Limang paaralan sa Metro Manila, partikular sa Malabon City ang lalahok sa pilot na pagpapatupad ng bagong kurikulum ang Muzon Elementary School, Tinajeros National High School, Santiago Syjuco Memorial Integrated Seconday School, Santiago Syjuco Memorial School, at Dampalit Integrated School.

Samantala, sasali rin sa pilot run ang tig-limang paaralan mula sa Cordillera Administrative Region, Region 1 (Ilocos Region), Region (Cagayan Valley Region), Region 7 (Central Visayas), Region 12 (Soccsksargen) at Caraga.

Matatandaang inilunsad ng DepEd ang recalibrated K to 10 curriculum upang matugunan ang mga pagkalugi sa kaalaman at mapabuti ang resulta ng mga mag-aaral.

Ang kasalukuyang kurikulum ay may pitong kakayahan, ang Mother Tongue, Filipino, English, Mathematics, Araling Panlipunan, MAPEH, at Edukasyon sa Pagpapakatao ngunit sa ilalim ng bagong curriculum, magkakaroon ng limang competencies ang Language, Reading and Literacy, Mathematics, Makabansa at GMRC.

Ang implementasyon ng phase ng bagong curriculum para sa Kindergarten, Grade 1, Grade 4, at Grade 7 ay magsisimula sa school year 2024-2025, susundan ng Grade 2, Grade 5, at Grade 8 sa school year 2025-2026, Grade 3, Grade 6, at Grade 9 sa school year 2026-2027, at Grade 10 sa school year 2027-2028.
Elma Morales