PATUNGO na sa modernisasyon ang Philippine Navy (PN) matapos ang matagumpay na test firing ng 76mm main gun ng kauna–unahang designed missile-frigate, BRP Jose Rizal (FF-150) sa karagatang sakop ng South Korea.
Sa ulat na ipinadala sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo ng mga kinatawan ng PN na sumaksi sa test fire sa South Korea na hindi nagmintis ang naka-install sa Oto Melara Super Rapid main gun ng BRP Jose Rizal sa sinagawang sea trials.
“The recent one was Wednesday and that is our fifth sea trial. We conducted structural test firing of our main gun (76mm Oto Melara Super Rapid SR main gun) with 12 rounds of ammunition. This is to check the effect of the main gun in the structure of the ship,” ani PN public affairs office chief Lt. Commander Maria Christina Roxas,
Ayon pa kay Roxas, sa darating na Lunes (Pebrero 17) ay isasalang para sa ika-anim na sea trials ang bagong barkong pandigma ng Navy at susubukan naman ang combat systems (weapons and sensors), integrated platform management system and endurance test ng frigate.
Habang ang mga naunang pagsubok sa barko ay may kaugnayan naman sa communications at navigational equipment ng BRP Jose Rizal na kapwa naging matagumpay.
Ang BRP Jose Rizal ay may maximum designed speed na 25 knots at cruising speed na 15 knots at range na umaabot ng 4,500 nautical miles.
Inaasahan ng pamunuan ng PN na darating sa Filipinas ang BRP Jose Rizal sa buwan ng Abril o Mayo ngayong taon matapos na sumailalim pa sa serye ng mga pagsubok .
Nasaksihan ng reporter ng PILIPINO Mirror ang ginawang launching ng BRP Jose Rizal sa Hyundai Heavy Industries ship-yard sa Ulsan noong nakalipas na May 23, 2019.
Umaabot sa P16 bilyon ang kontrata sa paggawa ng BRP Jose Rizal at sa sister ship nitong BRP Antonio Luna (FF-151) at karagdagang P2 bilyon para sa weapon systems and ammunitions.
“These ships are capable of conducting anti-air warfare (AAW), anti-surface warfare (ASUW), anti-submarine warfare (ASW) and electronic warfare (EW) operations,” diin ni Roxas VERLIN RUIZ
Comments are closed.