ISASALANG sa imbestigasyon ng House Committee on Transportation ang piloto at kinatawan ng Xiamen Airlines para pagpaliwanagin sa aksidente sa runway na nagresulta ng pagka-delay at pag-divert ng 150 flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Hihingan din ni House Transportation Committee Chairman Cesar Sarmiento ng report sa kanilang naging imbestigasyon ang Department of Transportation, Manila International Airport Authority (MIAA), Civil Aeronautics Board (CAB), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Maging ang mga opisyal ng POEA, OWWA, at recruitment agencies ay hihingan ng update kaugnay sa naging kalagayan ng mga overseas Filipino worker matapos ang aberya upang masiguro na wala sa kanila ang nawalan ng trabaho bunsod ng problema sa flight.
Sa Setyembre 5 itinakda ng komite ang kanilang imbestigasyon.
Samantala, ipare-review ni PBA Partylist Rep. Jericho Nograles ang budget ng Manila International Airport Authority sa 2019 sa oras na masimulan muli ang budget hearing sa Kamara.
Ito ay para matugunan ang mga kailangang kagamitan at pasilidad upang hindi na maulit ang overshoot sa runway ng Xiamen Airlines na nangyari noong nakaraang Linggo.
Giit ng kongresista, hindi kasalanan ng airport officials kung bakit natagalan ang pag-alis sa sumadsad na eroplano kundi ito ay dahil sa maling handling at kakulangan sa response at kagamitang mag-aalis sa eroplano.
Kinakailangan pang mag-outsource ng crane ng MIAA para maialis ang eroplano sa runway.
Dapat aniyang matiyak na nakapaloob sa 2019 budget ng MIAA ang pondo para sa modern rescue, lifting, at firefighting equipment para sa NAIA at lahat ng local airports upang nakahanda ang bansa sakali mang maulit ang kahalintulad na insidente.
Pinagmumulta ng MIAA ng P15 milyon ang Xiamen Airlines bilang danyos sa pagtugon upang maalis ang pagkabalaho ng eroplano sa maputik na runway.
Sinasabing dalawang beses na nagtangkang lumanding ng eroplano ngunit dahil sa buhos ng ulan ay hindi nito makita ang runway.
Ayon naman kay CAAP spokesman Eric Apolonio, bumalik ang mga aircraft investigators sa pinangyarihan ng overshoot para tingnan ang pagkakabaon sa putikan ng eroplano saka dinala ang black box at flight recorder sa Singapore bago magsumite ng final analysis at rekomendasyon sa insidente.
Sa pamamagitan ng black box at flight recorder ay malalaman ang kalagayan o condition ng aircraft bago mag-touchdown sa runway, gayundin ang usapan ng piloto ng Xiamen at ng Manila Control Tower. CONDE BATAC, FROI MORALLOS
Comments are closed.