PILOTO NG PIPER PLANE PATAY, PASAHERO HINAHANAP PA

CAUAYAN CITY – KINUMPIRMA ng Incident Management Team na nasawi ang piloto sa napaulat na nawawalang piper plane na si Captain Levy Abul II.

Habang patuloy namang hinahanap ang pasahero na kinilalang si Erma Escalante na mula sa Divilacan, Isabela makaraang hindi makita sa lugar kung saan bumagsak ang eroplano.

Inaasahang nakaligtas si Escalante matapos makita ang pansamantalang silungan malapit sa wreckage ng eroplano.

Ayon sa IMT kung magiging maganda ang panahon ngayong araw ay posibleng maihatid na sa landing zone ang mga labi ng nasawing piloto.

Samantala, ang team ng K9 trackers ay nakatakdang idala sa crash site upang ma-track ang mga posibleng dinaanan ng pasahero.

Matatandaang napaulat nitong Nobyembre 30 ang pagkawala ng piper plane na may tail number na RPC-1234 na sinakyan ng dalawa at kalauna’y natagpuan sa bulubunduking bahagi ng Barangay Casala, San Mariano, Isabela.
IRENE GONZALES