(Piloto, pasahero sugatan) 4-SEATER CESSNA AIRCRAFT SUMADSAD SA DAGAT

SUGATAN ang dalawang sakay ng isang 4-seater Cessna Aircraft matapos na mag-overshoot at sumadsad sa dagat kahapon ng umaga.

Ang Cessna trainer plane na pag-aari ng Leading Edge International Aviation ay may sakay na isang piloto at isang pasahero na kapwa sugatan.

Ayon sa CAAP, kasalukuyang ng sinisiyasat ng kanilang Aircraft Accident and Inquiry Investigation Board (AAIB) ang insidente.

Kapwa nagpapagaling na sa pagamutan ang dalawang sugatan matapos silang mailabas sa tumaob na eroplano pagsadsad nito sa tubig.

Unang nakatanggap ang CAAP ng report mula sa San Fernando Tower sa La Union hinggil sa pagsadsad ng eroplano kahapon ng umaga kaya agad na nagpadala ang tanggapan ng mga imbestigador sa La Union.

Sa inisyal na ulat bumagsak ang trainer plane sa dulo ng runway ng San Fernando Airport at nakataob pa ang eroplano nang marekober ito sa dagat ng La Union.

Samantala, tiniyak naman ng CAAP na ligtas ang pilot in command at pasahero sa sumadsad na Cessna plane bagaman nagtamo ang mga ito ng minor injuries. VERLIN RUIZ