PILOTS, MATHEMATICIANS SWAK SA TOP 10 HIGHEST-PAYING JOBS SA PH

PSA-PH ECONOMY

NANGUNGUNA ang aircraft pilots at mga kaugnay na associate professionals sa Air Transport industry sa tumatanggap ng pinakamalaking buwanang sahod sa bansa, ayon sa pinakahuling Philippine Statistics Authority occupational wages survey para sa 2022.

Lumabas sa survey na ang aircraft pilots at mga kaugnay na associate professionals ay may average monthly wage rate na P135,363 noong 2022.

Sinabi ni Tintin Ariola, PSA Labor Standards and Relations Statistics Division OIC chief, na ang mathematicians ang nanguna sa nakaraang survey “dahil mahirap kumuha ng datos sa sahod ng mga piloto noong pandemya.”

Pumangalawa ang software developers na nagtatrabaho sa Information Service Activities na may average wage rate na P70,595 kada buwan.

Pangatlo ang mathematicians and actuaries na may average wage rate na P69,654 kada buwan.

“These are under Insurance, Reinsurance and Pension Funding,” sabi ni Ariola sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo.

Ikaapat sa listahan ang Production Supervisors and General Foremen na may average monthly wage rate na P63,017; kasunod ang Applications Programmers na may P58,643 average monthly salary.

Pang-anim ang specialist medical practitioners na may P57,476 average monthly wage rate; habang ang statisticians ay pampito na may P51,607.

Ang iba pa sa top 10 ay ang medical doctors/generalist medical practitioners (P51,251); geologists (P49,059) at accountants (P48,892).