(Pina-e-exempt din sa number coding) SENIORS ILIBRE SA PARKING FEE

Alfred Vargas

NAIS ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na malibre sa pagbabayad ng parking fees at ma-exempt sa number coding scheme ang mga senior citizen.

Sa kanyang inihaing House Bill No. 8599 o ang “Free Parking and Coding Exemption for Senior Citizens Act”, sinabi ni Vargas na simpleng benepisyo lamang ito sa mga lolo’t lola bilang pagkilala sa kanilang mga kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.

Sa ilalim ng panukala, ang mga sasakyang nakarehistro sa pangalan ng mga senior ay hindi na pagbabayarin ng parking fees sa lahat ng establisimiyento.

Ang mga sasakyang minamaneho o may sakay na matatanda ay ie-exempt naman sa number coding.

Paliwanag ni Vargas, chairman ng House Committee on Social Services, habang tinututukan ng pamahalaan ang vulnerable sectors ay makabubuting paghandaan ang post-pandemic recovery lalo na’t parating na ang mga bakuna laban sa COVID-19.

Aniya, maganda itong regalo sa mga senior sa sandaling payagan na silang lumabas.

Comments are closed.