MISTULANG bayad utang na loob kay dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III at sa Liberal Party (LP) ang ‘mabagal’ na aksyon ni Associate Justice Marvic Leonen sa protestang elektoral ni isinampa sa Korte Suprema ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II laban sa pagkapanalo ni dating Representative Maria Leonor Robredo bilang pangalawang pangulo ng bansa noong halalang 2016.
Lumutang ang ideyang ito dahil si Leonen na siyang naging “ponente” (opisyal na magsusulat ng desisyon ng mataas na korte bilang Presidential Electoral Tribunal, o PET) ng kaso ni Marcos ay itinalaga ni Aquino sa Korte Suprema.
Ang pagkilala at pagbabayad ng utang na loob sa kapwa ay isa sa napakatandang katangian ng mga Filipino.
Maganda ang katangiang ito, ngunit may mga pagkakataong mali, masama at sa pinakamasahol na pangyayari ay nagiging krimen ang bayad – utang na loob sa kapwa.
Napunta kay Leonen ang kaso ni Marcos
BATAY sa rekord, naging ponente si Leonen sa kaso ni Marcos noong Oktubre 29,2019.
Napunta kay Leonen ang pagiging ponente matapos matalo ang desisyong inakda ng orihinal na ponente na si dating Justice Alfredo Benjamin Caguiao at magretiro ito noong Oktubre 2019.
Labing-isang mahistrado ang tumutol sa isinulat ni Caguioa at dalawa naman ang pumabor dito (Caguioa at dating Senior Associate Justice Antonio Carpio).
Si Leonen ay itinalaga ni Aquino sa mataas na korte noong Nobyembre 21,2012.
Noong ipuwesto si Leonen sa mataas na korte ay nagmukhang ‘premyo’ ni Aquino kay Leonen ang posisyon sa korte dahil sa matagumpay ang pagiging “chief negotiator” ni Leonen sa Moro Islamic Liberaton Front (MILF).
Si Leonen ang itinalagang punong negosyador noong Hulyo 2010 mula sa pagiging propesor sa University of the Philippines – College of Law mula 1989 hanggang sa nabanggit na petsa.
Nang makipag-usap ang administrasyong Aquino, sa pamamagitan ni Leonen, ay nakumbinsi ng huli ang pamunuan ng MILF na makipag-usap at makipag-ayos ito sa pamahalaan tungo sa pagkakamit ng kapayapaan sa Mindanao.
Hindi pa tapos ang pag-uusap ng pamahalaan at MILF. Kaya, wala pang naipanalo si Leonen sa nasabing isyu.
Ipinalit ni Aquino si Propesor Paulynn Sicam kay Leonen (dating journalist, dating guro sa UP – Diliman at komisyoner sa Human Rights Commission).
Robredo, kandidato ni Aquino at LP
BILANG pangulo ng bansa noong 2010 hanggang 2016, si Aquino ang “chairman” ng LP, ang naghaharing partido sa termino ni Aquino.
Si Robredo na inirelamo ni Marcos, o BBM, sa PET noon pang Hunyo 29,2016 ng pandaraya sa eleksyon ng pangalawang pangulo ng bansa ay kandidato ng administrasyong Aquino at ng LP.
Mula 2016 hanggang kasalukuyan ay si Robredo ang chairperson ng LP.
Si Aquino naman ay kinikilala at iginagalang pa rin bilang Liberal ng kanyang mga kasamahan sa LP kahit hindi ito tumakbo ng anumang posisyon noong eleksyong 2019.
Bago maging ponente si Leonen sa kaso ni BBM, ibinalita sa isang pahayagan na mayroong mga mahistradong nakakaalam na gusto ni Leonen na ibasura na ng PET ang kaso ni BBM laban kay Robredo.
Ayon sa punto ng balita, mahigit isang taon pa lamang mula noong Hunyo 29,2016 sa PET ang kaso kung saan hindi pa natatapos ang proseso ng PET ay tutol na umano si Leonen na magtuluy-tuloy pa ang nasabing lehitimo at napakahalagang protestang elektoral.
Binigyan ng ebidensya ni Leonen?
KUNG babaybayin ang mga pangyayari, mistulang binigyan ni Leonen ng ebidensiya ang nasabing impormasyon dahil mula nang mapunta sa kanya ang kaso ay nitong bago matapos ang Setyembre lamang siya naglabas ng kanyang ponente.
Ang laman ng kanyang desisyon na kinatigan ng mga mahistrado, maliban sa dalawang naka- leave, ay ipinasa sa Commission on Election (COMELEC) at Office of the Solicitor General (OSG) kung saan inatasan ang dalawang ahensiya na maglabas ng kani-kanilang “memoranda”, o komentaryo, sa mga komentaryo nina Marcos at Robredo hinggil sa pagpapatuloy ng “third cause” ni Marcos.
Ang laman ng third cause ay bilangin din ang mga boto sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao dahil malawak umano ang dayaan sa tatlong lalawigang ito, batay sa protesta ni Marcos.
Hiningan din ni Leonen ang COMELEC ng karagdagang komentaryo kung pasok sa kapangyarihan ng PET na aksyonan nito ang protestang elektoral ni Marcos sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao, o lalabagin ng PET ang Konstitusyong 1987.
Matatandaang binatikos ni Rodolfo “RJ” Javellana, pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), ang desisyon ni Leonen.
Idiniin ni Javellana na sinadya ang pagpapabagal sa kaso ni Marcos.
Ayon naman kay Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) at pinuno ng NAGKAISA Labor Coalition, ang nagaganap sa kaso ni Marcos ay kongkretong halimabawa na malaki ang problema sa justice system ng bansa.
Comments are closed.