(Pinaboran ni Marcos) P3K DAGDAG BAYAD SA TEACHERS

PINABORAN ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang kahili­ngan ng Department of Education (DepEd) na bigyan pa ng karagdagang P3,000 ang lahat ng guro at non-teaching personnel na nagsilbing miyembro ng Electoral Board.

Sa sulat na ipinaabot ni DepEd Sec. Leonor Briones, hiniling nito kay Comelec Chairman Saidamen Pangarungan, na bigyan ng karagdagang P3,000 ang lahat ng mga gurong nagbigay ng serbisyo at sakripisyo ngayong halalan.

Binigyang-diin ni Marcos na maliit na bagay ang hinihingi ni Sec. Briones dahil ang kadakilaang ipinamalas ng mga guro sa nagdaang halalan ay hindi matutumbasan ng anumang halaga.

Umaasa rin si Marcos na maibibigay ang mga compensation, ho­noraria at iba pang allowances ng lahat ng guro bago dumating ang Mayo 24 na siyang itinatadhana ng Comelec Resolution No. 10727.

Nabatid na umabot sa 756,083 mula sa iba’t ibang institusyon ang nagsilbing ‘poll workers’ noong halalan. Karamihan sa mga ito o kabuang 647,812 ay mga DepEd personnel.

May 319,000 mga guro ang umupo bilang miyembro ng electoral board, samantalang 200,000 DepEd personnel ang nagsilbi namang supervisory official ng halalan, katuwang ang Comelec.

 

BBM tinawag na kahanga-hanga ang kabayanihan ng mga guro,  poll watchers at volunteers

ISANG linggo matapos ang makasaysayang May 9, 2022 elections, buong kababang-loob na pinasalamatan ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang daanlibong mga guro, poll workers at  volunteers na nagsakripisyo upang maging mapayapa, tapat, maayos at kapani-paniwala ang nakalipas na halalan.

Ayon kay Marcos, kahanga-hanga ang ipinakitang kabayanihan ng lahat ng mga guro, volunteers at mga poll watchers na itinaya ang kanilang mga sarili matiyak lamang na magiging maayos ang nagdaang eleksiyon.

Maliban sa kanila, sinasaluduhan din ni Marcos ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga force multipliers na buong gi­ting na nagbantay upang masiguro ang katahimikan ng bayan sa panahon ng halalan.

“Nakita namin ang inyong hirap at sakri­pisyo.  Iyong init ng panahon, pagkapuyat, pagod pawis at panganib ay hindi niyo inalintana upang magampanan niyo ng maayos ang inyong tungkulin at maipatupad ng maayos ang ating halalan,” sabi ni Marcos.

“Wala po kaming mahanap na isang salita upang maipaabot namin ni (Vice-President-elect) Inday Sara Duterte ang aming taos-pusong pasasalamat sa inyo,” ani Marcos.

Sinabi ni Marcos na ang isa pa sa nakahahangang ipinakitang kabayanihan at malasakit ng mga guro at poll workers ay gumanap sila sa kanilang tungkulin sa kabila ng panganib na dala ng pandemya.

“Maraming-mara­ming salamat po sa inyo, mga teachers, poll wor­kers at volunteers. Gayundin sa ating mga pulis, militar at mga katuwang nila sa pagbabantay sa ating bayan nitong nakalipas na halalan. Ang inyong hirap, pagod at sakripisyo ay hindi makakalimutan ng sambayanan kailanman,” ani Marcos.