(Pinabubuhusan ng pondo sa LGUs)AGRI-FISHERY SECTOR PALALAKASIN

fishermen

UPANG matiyak na aktibong kikilos ang lahat ng local government units (LGUs) sa layuning mapalakas ang sektor ng agrikultura at food production ng bansa, iminungkahi ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee na ilaan ang 10 porsiyento ng natatanggap ng mga ito na National Tax Allotment (NTA) para sa pagpapatupad ng iba’t ibang agri-fishery development programs.

Sa House Bill No. 7597 o ang Local Agri-Fisheries Development Act, binigyang-diin ni Lee na ang sektor ng agrikultura at pangisdaan ay dapat makakuha ng patas na bahagi ng pampublikong pondo upang makamit din ang inaasam na food security at maibalik ang pagiging isang agriculture powerhouse ng bansa tulad ng iba pang kasapi ng ASEAN.

“Agriculture is one of the most important sectors in our society, not just in providing jobs and livelihood, but also in ensuring that there is food in every household in the country. Kung hindi natin tututukan ang sektor na ito, gutom ang aabutin hindi lang ng agri workers, kundi ng buong bansa,” sabi pa ng kongresista.

“Our initial advantages in agricultural research and productivity have been lost and the agriculture sector has weakened in the last two decades. Local government units (LGUs) can play a crucial role in transforming the agriculture and fisheries sector,” dagdag pa niya.

Magugunitang sa ilalim ng Mandanas-Garcia ruling ng Supreme Court, ang bawat LGU ay makatatanggap ng mas mataas na pondo mula sa NTA, na direktang ibibigay sa kanila ng national government.

Ang NTA ay maituturing na karagdagang pondo ng mga LGU at silang may diskresyon kung saan at paano nila nais na gamitin ito para na rin sa kapakinabangan ng kani-kanilang mga nasasakupan.

Giit ni Lee, kasabay sa pagpapalakas ng mandato ng LGU, automatic din dapat silang maglaan ng kaukulang pondo kada taon para sa agri-fishery; tulad ng dagdag na ayuda sa mga magsasaka at mangingisda, at suporta sa micro and small businesses na nakaasa sa sektor.

Nakasaad sa iniakda niyang HB 7597 na ang agri-fishery development programs na ipatutupad ng LGUs ay dapat tumutok sa aspeto ng pagiging competitive ng kanilang agri-sector sa pamamagitan ng pamamahagi ng binhi, livestock, fingerlings, at iba pang gamit sa sakahan at pangisdaan; pagsusulong ng mechanization at pagkakaloob ng post-harvest equipment and facilities; pagkakaroon ng communal irrigation system at maintenance; marketing ng mga produkto, credit guarantee, agriculture insurance; at pagtuturo sa kaalaman sa sistema ng pagsasaka at organikong pagsasaka, at maraming iba pa.

ROMER R. BUTUYAN