(Pinabubusisi sa Kamara) ONLINE SELLING NG SMUGGLED NA SIBUYAS

ISANG resolution na humihiling na imbestigahan ang umano’y online selling ng mga smuggled na sibuyas at iba pang agricultural products ang inihain sa Kamara.

Sa House Resolution No. 1600, sinabi ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee, tinukoy ang news reports, na laganap ang bentahan ng smuggled na sibuyas sa online, kung saan ang ilan ay ibinebenta sa P25 kada kilo sa Facebook.

Sa daily price monitoring ng Department of Agriculture (DA), ang local red onions ay nagkakahalaga ng mula P60/kg hanggang P130/kg, habang ang imported ay mula P90/kg hanggang P100/kg.

Samantala, ang presyo ng local white onions ay nasa P50/kg hanggang P120/kg, at ang imported white onions ay naglalaro sa P90/kg hanggang P120/kg.

Ayon kay Lee, ang smuggled agricultural products ay mapanganib para sa mga consumer dahil hindi dumaan ang mga ito sa  phytosanitary analysis para matukoy kung ligtas ang mga ito na kainin.

“Filipino consumers are also at risk from food product smuggling, as uncontrolled importation is most likely to blame for plant and animal diseases like African swine fever (ASF) and Cocolisap (coconut scale bug), that have plagued the country and the livelihood of many Filipinos,” nakasaad sa resolution.

Inatasan ni Lee ang angkop na House panel na magsagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation.

Nauna rito ay nagpahayag ng pangamba ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na posibleng bumagsak ang farmgate prices ng red onions sa P10 hanggang P15 kapag hindi nabantayan ang smuggling sa bansa.