(Pinabubusisi sa Senado) NAGLIPANANG TEXT SCAM

PAIIMBESTIGAHAN ni Senadora Grace Poe ang patuloy na pagkalat ng text scam at ang napaulat na paggamit ng subscriber identity modules (SIMs) sa operasyon ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Sa Senate Resolution No. 745, hiniling ni Poe sa tamang komite ng Senado na magsagawa ng pagdinig para malaman kung talagang naipatutupad ang Republic Act No. 111934 o ang SIM Registration Act, isang taon mula nang ito’y maging batas.

“The law aims to protect users from scams and hasten law enforcement in investigating phone-related scams,” ani Poe, principal author at sponsor ng naturang batas.

“The registration of SIM should help unmask fraudsters and deny them of sanctuary to hide. But, are these being achieved?” dagdag pa ng chairperson ng Senate committee on public services.

Ayon kay Poe, lagpas isang taon mula nang maging batas ito at sa kabila ng pagtatapos ng SIM registration, patuloy pa ring nabibiktima ang publiko ng text scam at iba pang mobile-related fraud na ito.

Nabunyag din sa isang raid sa ilang POGO establishments kamakailan na libong SIM ang ginagamit sa kanilang ilegal na operasyon.

“The law mandates that SIM should not be used for unlawful purposes and that owners have verified identity,” diin Poe.

“However, reports that thousands of registered SIMs seized are being used as a tool for scamming and other cyber fraud raise questions about the effective implementation of the law,” dagdag pa niya

Ayon kay Poe, dapat magpaliwanag ang implementing agencies, telecommunication companies at law enforcement agencies kung paano naiparehistro ang libong SIM na ginamit sa ilegal na operasyon ng POGO.

Pinaalalalahan din ni Poe ang National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology at iba pang may kinalamang ahensiya ng pamahalaan na magsumite sa Kongreso ng ulat at update sa implementasyon ng nasabing batas.

-VICKY CERVALES