(Pinadaragdagan sa DSWD) AYUDA SA 4Ps BENEFICIARIES

UMAPELA ang isang ranking member ng minority bloc sa Kamara sa liderato ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bilisan ang proseso sa pagtataas sa halaga ng ayuda na ibinibigay sa bawat benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa pagdinig ng House Committee on Poverty Alleviation kamakailan, binigyang-diin ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee na ang cash assistance na natatangap ng 4Ps beneficiaries ay hindi na akma sa kasalukuyang panahon lalo’t hindi pa rin naaampat ang pagsipa ng inflation, gayundin ang patuloy na mabigat na epekto ng COVID-19 pandemic.

“Kung kaya nang taasan ang cash grant, huwag na nating patagalin pa,” sabi pa ng kongresista mula sa Bicol region.

“Puwedeng abutin pa ng 2025 bago maramdaman ng mga beneficiaries ang tulong kung hihintayin pa nating maipasa ang mga nakasalang ngayon na panukalang batas sa pagtataas ng 4Ps cash grants. Kaya nananawagan tayo sa DSWD na irekomenda at pabilisin ang proseso para madagdagan ang suportang ipinagkakaloob ng programa,” dagdag pa ng AGRI party-list lawmaker.

Sa nabanggit na House panel hearing, inilatag ni Lee ang April 28, 2023 report ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) kung saan nakasaad ang rekomendasyon para sa dagdag-ayuda sa 4Ps members.

Partikular dito ang gawing P960 mula sa kasalukuang P750 ang health grant per month per household, at ang P300 na “education allowance per month for every child enrolled in day care and elementary for maximum of 10 months every year” ay itataas sa P362 increase.

Maging ang P500 na education allowance per month sa kada miyembo ng pamilya ng 4Ps beneficiaries na naka-enroll sa junior high school, na ibibigay sa loob ng 10 buwan kada taon, ay iminungkahi na maging P604; habang dapat din umanong itaas sa P846 ang ngayo’y P700 education allowance per month ng kada anak ng 4Ps family na nag-aaral sa Senior High School.

Tinukoy rin ni Lee ang May 29, 2023 report ng PIDS kung saan sinasabing dahil sa pandemya, ang kabuuang P31,200 na natatanggap ng 4Ps beneficiaries kada taon ay katumbas na lamang ng halagang P14,524 na pang-budget sa araw-araw na gastusin ng pamilya ng mga ito.

“Malinaw na kulang na kulang ang natatanggap ng 4Ps beneficiaries. At nakasaad sa batas na dapat siguruhin ng NAC na sapat ang cash grant lalo na kung may rekomendasyon na galing sa PIDS. Kaya ‘wag na tayong magpaligoy-ligoy pa. Dagdagan na ito, now na!” paggigiit ng kongresista. ROMER R. BUTUYAN