(Pinag-aaralan na ng TRB) TOLL HIKE SA NLEX CONNECTOR

HUMILING ang NLEX Corp., ang operator ng North Luzon Expressway (NLEX), ng dagdag-singil sa toll para sa mga motorista na dumadaan sa NLEX Connector makaraang buksan sa publiko ang buong  stretch ng elevated toll road.

“We already filed the petition. As we speak, it is being evaluated by the TRB (Toll Regulatory Board). It takes the same process, the same evaluation that they do so they can determine whether the fractional toll is reasonable,” ayon kay NLEX Corp. president J. Luigi Bautista.

Aniya, ito’y karagdagang toll dahil nagdagdag sila ng section.

Kapag naaprubahan, ang toll ay tataas sa P120 mula P86.

Noong October 28 ay binuksan ng NLEX Corp. ang España to Magsaysay section o ang Magsaysay Interchange ng  NLEX Connector.

Ang naturang section ang ikalawa at huling section ng eight-kilometer elevated expressway.

Ang unang section, na tumatawid mula C3/5th sa Caloocan hanggang España sa Maynila, ay binuksan noong March 29.

Samantala, ang buong NLEX Connector ay mula Caloocan Interchange sa C3 Road, Dimasalang, España Boulevard, Ramon Magsaysay Boulevard hanggang sa bisinidad ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Santa Mesa, Manila, na may on at off ramps o interchanges sa C3, España Blvd., at Ramon Magsaysay Blvd. Ang NLEX Corp. ay isang subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC), ang toll road arm ng Metro Pacific Investments Corp.