(Pinag-aaralan ng BFAR) FISHING BAN SA BATAAN OIL SPILL-HIT AREAS

NAKATAKDANG magsagawa ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng sampling sa mga isda sa mga lugar na apektado ng oil spill mula sa tumaob na MT Terra Nova sa Bataan upang malaman kung kailangang magdeklara ng fishing ban.

Ayon kay BFAR spokesperson Nazario Briguera, maaaring maapektuhan ang kabuhayan ng libo-libong mangingisda kapag pansamantala nilang ipinagbawal ang pangingisda dahil sa oil spill.

“Doon sa pangingisda, we are yet to coordinate with the local government units sa pagdedeklara ng fishing ban,” pahayag niya sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.

“Sa ngayon kasi, we still have to gather, consolidate all the relevant information. Kami, magsasagawa pa kami ng sampling sa mga isda. Ang DENR, nagsa-sampling na rin ng tubig,” dagdag pa niya.

Ayon kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, ang oil spill ay maaaring makaapekto sa Bulacan, Cavite, at Pampanga.

Hanggang noong Sabado, inilarawan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang oil spill na umaabot ng 12 hanggang 14 kilometro ngunit “manageable” pa rin.

Gayunman, nadiskubre ng technical divers ng Harbor Star ang maliit na tagas na nagmumula sa tank valve.

Sinabi ni Briguera na hinihikayat ng BFAR ang mga mangingisda na bantayan ang kanilang mga kapaligiran upang malaman kung kumakalat na ang oil spill sa kanilang lugar.

“‘Yung isda kasi, they can actually swim away from the affected area. Hindi naman kaagad ‘yan talaga maaapektuhan,” aniya.

“Pero kung malawakan na ang pagtagas, kailangan talaga magkaroon na ng pag-aanalisa mismo do’n sa mga isda kung meron nang contamination na nangyayari sa kanila.”

Ang MT Terra Nova na patungong Iloilo ay may lulang 1.4 milyong litro ng industrial fuel nang tumaob ito sa layong 3.6 nautical miles sa silangan ng bayan ng Limay, Bataan bandang ala-1:10 ng madaling araw Huwebes.

Ayon sa PCG, 16 sa 17 crew members ang nailigtas, habang isa ang natagpuang patay.

Ipinag-utos ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. noong Sabado ang pagbuo ng isang inter-agency task force na tutugon sa oil spill.