(Pinag-aaralan ng CFO) PH SCHOOLS SA IBANG BANSA PALALAWAKIN

KINOKONSIDERA ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) ang pagpapalawak sa presensiya ng Philippine schools sa mga bansa na may malaking Filipino communities.

Sa isang television interview noong Biyernes, sinabi ni CFO Secretary Dante Ang II na layon ng inisyatiba na matiyak na ang mga Filipino children na nag-aaral sa ibang bansa ay mapananatili ang maayos na transisyon sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas.

“We want to ensure that Filipino children studying abroad can easily adapt when they return home.

That’s why we’re committed to expanding these schools and making sure their education is recognized in the Philippines,” sabi ni Ang.

Sa kasalukuyan ay may 35 Philippine schools na nag-ooperate sa mga bansang tulad ng Bahrain, East Timor, Greece, Italy, Kuwait, Libya, Oman, Qatar, Saudi Arabia, at UAE.

Sa datos ng CFO, tinatayang may 25,000 estudyante na naka-enroll sa mga eskuwelahang ito hanggang December 31, 2022, mula pre-elementary hanggang high school levels.

“Philippine schools abroad must comply with both the requirements of the host country and the Philippine government, including obtaining a permit to operate from the host country before seeking accreditation from the Department of Education,” ayon kay Ang.