PLANO ng Department of Agriculture (DA) na lagyan ng labels ang local at imported rice upang maiwasang maihalo sa rice varieties.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, ang pagle-label sa bigas sa retail markets ay magkakaloob ng kinakailangang impormasyon sa mga consumer na nais ng locally-produced o imported rice varieties.
“That’s very important. We also plan to check on mislabeling activities on the ground,” aniya.
“Definitely, may mga ganyang posibleng mislabeling. Paghaluhin, kung mas mura iyong isang klase ng bigas tapos ihahalo doon sa mas mahal tapos ibebenta nang mas mahal ,” sabi pa ni De Mesa.
Sinang-ayunan ni Federation of Free Farmers Cooperatives national manager Raul Montemayor ang DA official, at sinabing ang ilang imported rice ay kamukha ng local produce at madaling maihalo.
Hanggang noong Huwebes, ang presyo ng imported regular milled rice ay naglalaro sa P48 kada kilo hanggang P51 kada kilo, at ang well-milled rice ay P51 kada kilo hanggang P54 kada kilo.
Samantala, ang presyo ng local regular milled rice ay nasa P50 kada kilo habang ang well-milled rice ay naglalaro sa P48 kada kilo hanggang P55 kada kilo.
Ayon kay Montemayor, ito ay dahil sa price dynamics sa pagitan ng bumababang trend sa global price ng imported rice, at ng tumataas na farmgate prices, na nasa P27 hanggang P30.
“It’s like a gamble on the part of the local traders that they will buy palay at a high price, knowing na pagdating nila sa retail, makakalaban nila iyong imported rice na medyo pababa ang presyo,” aniya.
Samantala, tiniyak ng DA na tinitingnan nito ang patlang sa pagitan ng farmgate at retail prices ng bigas.
“Iyon ang pinag-uusapan, pinag-aaralan bakit mataas talaga iyong presyo despite na hindi naman ganoon kalaki, kataas iyong presyo sa farmgate,” sabi pa ni De Mesa.
(PNA)