KASALUKUYANG pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang limited importation ng white onions at mga piling gulay.
Ito’y matapos ang magkakasunod na malalakas na bagyo na nakaapekto sa karamihan sa highland at lowland vegetable-producing regions sa Luzon.
“Nakikita ko, kailangan mag-import konti ng white onion dahil tumaas from PHP80 to PHP120 ngayon sa merkado eh dahil sa mga bagyo ,” wika ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa isang ambush interview.
Batay sa DA-Bantay Presyo, ang umiiral na presyo ng local white onion sa Metro Manila ay naglalaro sa PHP80 hanggang PHP140 kada kilo, habang ang presyo ng imported medium-size white onion ay nasa PHP65 hanggang PHP160 kada kilo, hanggang noong Miyerkoles.
Noong Agosto ay inaprubahan ng DA ang pag-angkat at by-batch arrivals ng 16,000 metric tons ng white onions upang matiyak ang matatag na domestic supply.
Bukos sa white onions, binanggit din ng DA chief ang posibleng importasyon ng mga gulay sa sandaling lumabas sa isinasagawang assessments ang pangangailangan nito.
“Merong problema rin tayo sa carrot konti, tomato at broccoli. May parang limited quantity ng figure. Wala pang final na figures, pinapa-study ko,” ani Tiu Laurel.
Hanggang noong Miyerkoles, ang presyo ng carrots sa Metro Manila ay tumaas sa PHP150 hanggang PHP230 kada kilo, mula PHP130 hanggang PHP160 kada kilo noong Oct. 21. Sumirit din ang presyo ng kamatis sa
PHP150 hanggang PHP230 kada kilo, mula PHP100 hanggang PHP170 kada kilo noong nakaraang buwan.
Tumaas din ang presyo ng iba pang highland at lowland vegetables gaya ng ampalaya, string beans, pechay tagalog, talong, green at red bell peppers, white potato, at sayote.
Nauna rito ay sinabi ng DA na plano nitong kumuha ng mga gulay mula sa Visayas at Mindanao upang makatulong na mapababa ang tumataas na presyo. ULAT MULA SA PNA