KINOKONSIDERA ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapataw ng suggested retail prices (SRPs) sa rice products.
Ito’y kasunod ng pagbilis ng pagtaas ng presyo ng bigas sa 14-year high noong Disyembre.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni DA spokesperson Asec. Arnel de Mesa na makatutulong ang SRPs para matiyak na mananatiling abot-kaya ang bigas sa Filipino consumers.
Kasalukuyan nang kumokonsulta ang DA sa industry players at stakeholders para sa pag-iisyu ng bagong set ng SRPs.
“Hindi ka puwede basta mag-issue ng SRP without doing the consultations with all the stakeholders, from the consumer groups, producer groups, ganoon din sa traders and millers, lahat sila ay dapat nakokonsulta sa pagtatakda ng suggested retail price (SRP),” sabi ni De Mesa.
Iniulat ng PSA na bumilis ang rice inflation sa 19.6% noong nakaraang buwan mula sa 15.8% noong November 2023.
Ito anv pinakamabilis na inflation print para sa food staple sa loob ng 14 taon o magmula noong March 2009, nang maitala ang rice inflation sa 22.9%.
Ayon kay De Mesa, ang SRPs ay depende sa iba’t ibang salik bago ito isapinal at sa huli ay isapubliko.
“Kailangan nating tingnan ‘yung composition sa producers group, paano na produce ‘yung palay hanggang sa maging bigas. And then, on the traders side, ano mga gastusin nila sa warehousing, sa milling, sa drying. Sa retailers naman, magkano ‘yung kanilang mga gastusin din po, at maikumpara, at sa ganoong paraan, makikita po ang magiging gains ng [suggested retail] price,” aniya.