(Pinag-aaralan ng DA)PAG-ALIS SA BAN SA PAGBEBENTA NG POMPANO, SALMON

KINOKONSIDERA ng Department of Agriculture (DA) ang pag-alis sa ban sa pagbebenta ng pompano at pink salmon sa markets.

Ayon kay Agriculture Deputy Spokesperson Rex Estoperez, binigyang konsiderasyon ng ahensiya ang clamor ng mga mambabatas at consumer.

Noong nakaraang linggo ay sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na sisimulan na nito ngayong buwan ang pagkumpiska sa imported pompano at pink salmon na ibinebenta sa wet markets dahil ipinagbabawal ito sa ilalim ng BFAR Fisheries Administrative Order No. 195.

Ayon sa BFAR, ang pompano at pink salmon ay maaari lamang ipagbili sa institutional buyers, kabilang ang hotels, restaurants, at mga kompanya sa canning at processing industries.

Sinabi ni Estoperez na makikipagpulong ang DA sa BFAR upang talakayin ang Administrative Order No. 195 at iba pang regulasyon na may kinalaman dito.

Rerepasuhin, aniya, ng mga ahensiya ang polisiya upang malaman kung kinakailangan pa ito.