PINAG-AARALAN ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na iparehistro ang mga small-scale miner at bumuo ng organisasyon para ipormalisa ang operasyon ng mga ito.
Ayon kay DENR Undersecretary Carlos Primo David, ang kanilang plano ay isailalim ang small-scale miners sa Minahang Bayan registration na una nang isinagawa noong Abril 2015 matapos ang ipinatupad na implementing rules and regulations ng nirepasong People’s Small-Scale Mining Act of 1991.
Paliwanag ng DENR, kinakailangang maorganisa ng mga small-scale miner ang kanilang mga sarili sa mga kooperatiba upang matiyak ang technical capability at financial resources na aayon sa buwis at iba pang structural requirements.
Kung maaalala, noong 2022 ay mayroong direktiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-legalize ang small-scale mining operations.
Ito ay sa kadahilanang maraming small-scale mining firms ang ilegal dahilan kung kaya walang proteksiyon ang mga minero sa bansa.
Layunin nitong mapalakas pa ang regulatory framework ng mga ito para sa kanilang legal na pag-o-operate, at mabigyan ang mga minero ng tulong at proteksiyon para sa ligtas na pagtatrabaho.
EVELYN GARCIA